Malakanyang, nanindigan na hindi dapat mag-sorry si Duterte kay Robredo

Malakanyang, nanindigan na hindi dapat mag-sorry si Duterte kay Robredo

INIHAYAG ng Palasyo na hindi kailangang mag-sorry si Pangulong Rodrigo Duterte kay Vice President Leni Robredo.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, walang binanggit ang Presidente na sumakay sa C-130 si Robredo.

“Unang-una, hindi naman sinabi ni Presidente sumakay siya ng C-130 eh. Hindi naman sinabi ni Presidente na pinalabas niya na iyong laman ng C-130 eh dala-dala ni VP Leni. Eh, bakit siya manghihingi ng abiso?” pahayag ni Roque.

Mababatid na humihingi na ng paumanhin ang mga nagsabi noon na sina Defense Secretary Delfin Lorenzana at Chief Presidential Legal Counsel Secretary Salvador Panelo dahil sa kanilang false claims kaugnay sa paggamit ng government aircraft.

Mababatid na si Lorenzana ang naging source ng impormasyon ni Panelo kaugnay sa umano’y pagsakay ni Robredo sa Philippine Air Force C-130 plane para sa kanyang relief efforts sa Bicol Region, na kalauna’y nakumpirmang hindi naman pala totoo.

Sambit pa ni Roque, tama lang na sila ang humingi ng paumanhin kung batid ng mga ito na sila ay may mali, pero hindi aniya ang pangulo.

Nanindigan naman ang tagapagsalita ng presidente na may basehan ang mga binitawang salita ni Pangulong Duterte laban kay Robredo.

“Sa atin lang naman po, pinaninindigan natin may basehan po ang Presidente sa kaniyang mga binitawang salita at ako rin po ‘no, tumingin din ako sa Facebook at naintindihan ko naman kung bakit naghimutok ang Presidente,” paliwanag ni Roque.

Gayunpaman, inilahad ni Roque na walang plano ang Punong Ehekutibo na kausapin pa sina Lorenzana at Panelo hinggil sa naturang isyu dahil tapos na aniya ito.

Sa kabila nito, pinuri ng Malakanyang sina Lorenzana at Panelo dahil sa pagiging true gentlemen kaugnay sa kanilang apology sa bise presidente.

Samantala, naniniwala ang Palasyo na malabo nang magkaroon ng harmonious working relationship si Pangulong Rodrigo Duterte at Vice President Leni Robredo.

Ito’y matapos aniyang bigo ang pangalawang pangulo na magawa ang kanyang tungkulin nang italaga ito ni Pangulong Duterte nang dalawang beses.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *