100% taas-singil sa tubig
National

Malakanyang, hindi patatakot bantang 100% taas-singil sa tubig

HINDI patatakot ang Palasyo sa banta ng Manila Water at Maynilad na 100% taas-singil sa tubig.

Ang naturang babala ng dalawang water concessionaires ay kasunod ng pagkansela ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) sa ang extension ng kasunduan nito sa gobyerno.

Pinaalalahanan ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo ang Maynilad at Manila Water na huwag ipatupad ang panibagong 100% taas-singil sa tubig.

Giit pa nito, kahit anu pang gawin ng dalawa water concessionaire upang gipitin ang publiko ay hindi titigil si Pangulong Rodrigo Duterte na protektahan ang interest ng consumers.

Sa ngayon aniya ay pinag-aaralan pa ng punong ehekutibo ang ipinadalang liham ng Maynilad at Manila Water na naglalaman ng kanilang negosasyon para ituloy ang kanilang contract extension.

Maynilad at Manila Water, handang makipagtulungan

Isinapubliko na ng Malacanang ang sulat ng Maynilad at Manila Water kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ay matapos mangako ang pangulo na ilalabas nito ang magiging pahayag ng mga water companies sa publiko upang malaman ang mga hakbang ng mga kumpanya.

Nakapaloob sa sulat ng Maynilad na may petsang Disyembre 10 na handa itong makikipagtulungan sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) para mausisa at mabago ang concession agreement.

Nangangako din ang nasabing kumpanya na maayos at patuloy na pag-iigihan ang serbisyo nito sa mga consumers.

Samantala, sa sulat naman ng Manila Water ay iginiit nila na hindi na nila hahabulin ang P7.39 bilyong arbitral award.

Hindi na rin magpapatupad ng water hike ang Manila Water sa susunod na taon.

Sumasang-ayon din ang kumpanya sa muling pagbubukas ng negosasyon para sa pag-uusisa at pagbabago ng probisyon ng kontrata.

Ayon naman kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, sa ngayon ay wala pang pinal na kahahantungan ang dalawang water concessionaires at hindi pa rin aniya binabasura ng pangulo ang alok nito sa dalawang kumpanya.

Matatandaang nagbanta si Pang. Duterte na ite-take over ng gobyerno ang operasyon mula sa mga water companies kung hindi ito makukuntento sa paliwanag ng mga kumpanya hinggil sa “onerous” concession agreement.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *