Makati LGU, naglaan ng P1B para sa libreng COVID-19 vaccine sa mga Makatizen

Makati LGU, naglaan ng P1B para sa libreng COVID-19 vaccine sa mga Makatizen

MAKATATANGGAP ng libreng COVID-19 vaccine ang lahat ng mga residente ng Makati City na tiniyak ni Makati Mayor Abby Binay.

Ayon kay Binay, naglaan ang kanilang city government ng isang bilyong piso para siguruhin na mabibigyan ng libre at ligtas na COVID-19 vaccine ang bawat residente ng Makati.

Sinabi ng alkalde na nakikipag-ugnayan na ang Makati LGU kay Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., at sa Inter-Agency Task Force (IATF) para isapinal ang mga detalye sa pagbili ng bakuna at ang mass vaccination.

Aaprubahan aniya ng city council ang supplemental budget kapag nakakuha na ng green light ang lungsod mula sa IATF.

Valenzuela, naglaan ng P150M para sa pagbili ng bakuna kontra COVID-19

Naglaan din ang Valenzuela City government ng inisyal na 150 milyong piso para sa pagbili ng bakuna kontra COVID-19 para sa kanilang mga residente.

Ayon kay Mayor Rex Gatchalian, hinihintay lamang nila ang pinal na listahan na mga inaprubahang bakuna ng Food and Drug Administration (FDA) para masimulan na nila ang pagbili.

Sinabi ng alkalde na ang kanila pagsisikap ay upang matulungan ang inisyatibo ng national government na siyang mangunguna sa mass vaccination.

Una nang inilunsad ng lungsod ang kanilang sariling RT-PCR facility na layong makapag-test ng 10 percent ng kanilang populasyon.

Ilang pang LGUs, naglaan na rin ng pondo para sa kanilang COVID-19 vaccination program

Naglaan rin ang Parañaque City ng P250 milyon pondo para sa kanilang COVID-19 vaccination program ngayong taon.

Ayon kay Mayor Edwin Olivarez, nasa 300,000 na mga residente ng lungsod ang magiging sakop ng nasabing pondo.

Ani Olivarez, nakipag-usap na ang lungsod sa Janssen, isang Belgian drug maker na kamakailan lamang ay binigyan ng clearance na magsagawa ng clinical trials sa Pilipinas.

Samantala, sinabi rin ni Navotas City Mayor Toby Tiangco na naglaan ang kanilang lungsod ng inisyal na 20 milyong piso para sa pagbili ng COVID-19 vaccines.

Dagdag pa nito, maaari tumaas ang nasabing halaga depende sa magiging pag-uusap sa national government.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *