Lumalalang kaso ng child pornography, pinaiimbestigahan

Lumalalang kaso ng child pornography, pinaiimbestigahan

PINAIIMBESTIGAHAN ni Senador Imee Marcos ang nakakaalarmang pagtaas ng kaso ng child sex abuse o pornography sa online mula nang ipatupad ang mga lockdown kontra sa pagkalat ng COVID-19 pandemic.

Sa inihaing Senate Resolution 487, simula noong Marso hanggang Mayo ay lumobo na ang bilang ng child pornography  kumpara noong nakaraang taon ayon sa report ng Department of Justice at Department of Social Welfare and Development.

Ayon naman sa ulat ng United Nations Children’s Fund (UNICEF), ang Pilipinas ang sinasabing “global epicenter of the live-stream sex abuse trade” at ang nangungunang pinanggagalingan ng child pornography ngayon.

Ang pagkaaresto sa American pedophile na si Michael Kent Clapper, ayon sa tip na binigay ng US Embassy sa Manila, ay isa lamang sa mga police operation mula ng lockdown noong Marso, maliban pa sa pagsagip ng Philippine Internet Crimes Against Children Center sa 34 na menor de edad sa Luzon hanggang Mindanao na ginamit sa online pornography.

Sinita naman ni Marcos ang mga Telecommunication Company o telcos at internet service providers o ISPS sa pagpapabaya sa kanilang obligasyon  sa ilalim ng batas na protektahan ang mga bata kontra sa mga pag-abusong sekswal gamit ang internet, partikular na ang paglalagay ng teknolohiyang  magmo-monitor at haharang sa mga letrato at live pornography online.

Dagdag pa ng mambabatas na kailangan na ring amyendahan ang mga batas na nagbibigay proteksyon sa mga bata  para bigyan ng ngipin ang mga ito at upang seryosohin ng mga telcos ang kanilang mga responsibilidad.

Patuloy namang nagangamba ang senadora na dahil na rin sa kahirapan kaya lumalala ang child pornography sa bansa dahil hindi rin malayong matukso aniya ang mga magulang na kumita sa online child pornography dahil sa tindi ng kahirapang dulot ng pandemya.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *