“Lockdown” para bigyang solusyon ang isyu sa WPS, iminungkahi

“Lockdown” para bigyang solusyon ang isyu sa WPS, iminungkahi

LOCKDOWN ang mungkahi ni dating Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano para maresolba ang isyu ng agawan sa teritoryo sa West Philippine Sea (WPS) kontra China.

Pero ang lockdown na nais nito ay hindi katulad ng sa COVID-19 kundi isang closed door meeting sa pagitan ng mga personalidad at opisyal na maingay ngayon sa nasabing isyu.

“Imbitahin nyo ang iba’t-ibang partido to have a different kind of lockdown. Lockdown sa West Philippine Sea,” pahayag ni Cayetano.

Layunin ng nasabing “lockdown” ay upang magkaroon ng iisang stand ang bansa sa usapin ng agawan sa teritoryo.

“Si Secretary Roque, Secretary Lorenzana, Secretary Locsin then si Justice Carpio, Secretary Del Rosario, Senator Trillanes, upuan nila, isa-isahin nila yung isyu. Dalawa tatlong araw I think they will agree on maybe 60 to 70% para 30% nalang ang hindi,” ayon kay Cayetano.

Mainam din aniya na ihinto muna ang bangayan ng mga anti at pro.

Habang nagsisiraan kasi ang magkabilang panig, ang ibang claimants sa WPS ay nakikinig lang at naghahanda sa kanilang pang-counter.

“Ang pinag-uusapan, strategy. Pero hindi mo puwedeng pag-usapan ang strategy in public, bakit? Unang una ang claimants, marami: Vietnam, Malaysia, China. Sa tuwing may sinasabi ang both sides, makikinig lang ang China, Vietnam at Malaysia at inaayos ang strategy laban sa atin,” dagdag ni Cayetano.

Samantala, para naman sa Malacañang, hindi maaaring magtayo ng artipisyal na mga isla ang bansa sa WPS.

Ito’y dahil may status quo na umiiral sa pagitan ng China at Pilipinas.

“So naririyan po iyan at status quo natin. Ang kamuntik nang mangyari, ito nga po iyong relevance ng Sandy Cay, eh iyong panahon na iyon, ninais sana nating magtayo ng infrastructure sa Sandy Cay at nagresponde ang China na gagalaw din sila. So, mas mabuti po para sa ating national interest ngayon na status quo, dahil kapag gumalaw po ang Tsina dadalawa lang po iyong ating bagong pandirigmang barko, hind masyadong magiging epektibo iyan para protektahan ang ating national interest,” paliwanag ni Presidential Spokesperson Harry Roque.

Para naman kay Cayetano, ang nasabing status quo ang konteksto ng 2016 jet ski remarks ni Pangulong Duterte noong 2016 presidential campaign.

Matatandaang sinabi noon ni Pangulong Duterte sa dinaluhan niyang presidential debate na pupunta siya sa WPS dala-dala ang watawat ng Pilipinas para igiit ang karapatan ng bansa sa pinag-aagawang teritoryo.

“Yung konteksto ng sinabi niya na ‘pag ang China after Scarborough o halimbawa mag-build sa Scarborough o kunin yung ibang features, tsaka siya magje-jet ski papunta dun. So, ang akin sa mga mangingisda, noong panahon ni President Aquino, hindi kayo makapangisda sa Scarborough dahil nga panay away pero dahil sa pag-uusap, nagkaroon ng solusyon. So trust the government,” ayon pa ni Cayetano.

(BASAHIN: Roque, hinamon si VP Robredo ng debate sa isyu ng agawan sa WPS)

SMNI NEWS