kaso ng Maguindanao massacre
National

Live media coverage sa promulgasyon sa kaso ng Maguindanao massacre, hiniling

HINILING ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) sa Korte Suprema na payagan ang live media coverage sa promulgasyon o pagpapahayag ng hatol sa kaso ng Maguindanao massacre.

Sa liham na ipinadala ni Undersecretary Joel Egco, hiniling nito na pagbigyan ang mga government communication agencies gaya ng PTV-4, RTVM, Philippine News Agency at PCOO na magkaroon ng live coverage sa promulgation ng nasabing kaso.

Paliwanag ni Egco, isa ang Maguindanao o Ampatuan massacre sa tinututukang kaso ng PTFoMS dahil karamihan sa biktima nito ay pawang miyembro ng media.

Una nang nagsumite ng petisyon ang ilang media organizations kabilang na ang National Union of Journalists of the Philippines, Center for Media Freedom and Responsibility, at Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ).

Ang Maguindanao massacre ay tinuturing na pinakamalalang election related violence sa kasaysayan ng Pilipinas.

ACT-CIS, kaisa sa mga grupo na nais isapubliko ang promulgasyon sa kaso ng Maguindanao massacre

Samantala, kaisa ang grupong Anti-Crime and Terrorism Community Involvement and Support (ACT-CIS) Partylist sa mga grupong nais isapubliko ang promulgation hinggil sa kaso ng Maguindanao massacre.

Sa panayam ng SMNI News kay Partylist Representative Nina Taduran, umaasa sila na makamit ang hustisya ng mga pamilya at mamahayag na nasawi sa massacre.

Iginiit din ni Taduran na mahalagang magkaroon ng live coverage para na rin sa mga pamilya ng mga biktima na hindi makakapunta sa promulgation nito.

“Talagang sa December 19 inaabangan ‘yan. At the same time, hindi naman lahat ng mga kapamilya ng mga naging biktima ng Maguindanao massacre ay makakapunta,” pahayag ni Taduran.

Dagdag pa ni Taduran, isa ito sa pinakamalaking krimen na sangkot ang 32 media practitioners.

Wala rin aniyang malalabag na batas sa pagsasaplubliko ng promulgation dahil paghahatol na lamang ang isasagawa rito.

“Alam naman natin na hindi pa pwede sa ating judicial system na ‘yung trial isasapubliko. Ito promulgation, desisyon, desisyon na ito eh. So, dito na magkakaalaman tsaka kailangan talaga,” dagdag  ni Taduran.

 

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *