Araw ng Pasasalamat sa OFW
National

Kauna-unahang “Araw ng Pasasalamat sa OFW,” matagumpay na isinagawa

MATAGUMPAY na isinagawa kahapon ang kauna-unahang “ Araw ng Pasasalamat sa OFW ” ng Global Police Community Relations (Global PCR) na ginanap sa AFP Stadium sa Camp Aguinaldo, Quezon City.

Mahigit sa 5,000 current at returning Overseas Filipino Workers (OFWs) ang dumalo sa event kung saan si  Pangulong Rodrigo Duterte mismo ang naging panauhing pandangal.

Buong araw na nagpa-raffle ang Global PCR sa mga dumalo kung saan namigay ng house and lot, mga motorsiklo, TV, appliances, sako-sakong bigas at cash.

Bukod diyan, ay mayroon ding on the site job-fair sa lugar at mga exhibits tampok ang mga ahensya ng pamahalaan na may kinalaman sa OFW concerns.

Lumagda naman sa isang memorandum of agreement ang Global PCR sa mga ahensya ng gobyerno para sa maagap na monitoring ng mga reklamong ipinapadala ng mga OFW sa buong mundo.

Ayon kay Gemma Sotto, ang international head ng Global PCR, ang ganap ay paraan ng kanilang pasasalamat kay Pangulong Duterte sa lahat ng pagmamalasakit nito sa Filipino labor force sa abroad dahil sa hinaba-haba ng panahon ay ngayon lamang nila nadama ang mga programa ng gobyerno.

Ani Sotto, sa panahon lamang ng administrasyong Duterte natutukan ang isyu ng pagbibigay proteksyon sa mga OFW lalo na yung mga nadestino sa Gitnang Silangan na kadalasang nabibiktima ng pang-aabuso.

Aniya, kung ipagkakaloob ng itaas ay nais nilang gawing taunan ang “Araw ng Pasasalamat sa OFW”       sa pag-asang balang araw ay magiging second choice na lamang ng mga Pinoy ang mangibang bayan dahil marami ng trabaho ang naghihintay dito sa bansa.

MJ MONDEJAR

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *