Kaso ng COVID -19 sa Brazil, umabot na sa 3.4 M; mga nasawi halos nasa 110, 000 na

Kaso ng COVID -19 sa Brazil, umabot na sa 3.4 M; mga nasawi halos nasa 110, 000 na

PANGALAWA ang Brazil sa mga bansa sa buong mundo na may pinakamaraming kaso ng COVID- 19 matapos umabot sa 3.4 milyon ang kaso nito.

Ayon sa datos ng Health Ministry ng bansa na inilabas nitong Martes, nakapagtala ito ng  3, 407, 354 kabuuang kaso ng coronavirus at 109, 888 ang kabuuang nasawi simula nang tumama ang pandemic sa bansa nitong Pebrero.

Nakapagtala ang Brazil ng 47, 784 na mga bagong kaso ng COVID- 19 at 1, 352 ang nasawi  sa nakalipas na 24 oras.

Ang Brazil ang nangunguna sa pinakaapektadong bansa dahil sa COVID-19  sa Latin America at pangalawa sa buong mundo kasunod ng Amerika.

Matatandaan nang lumabas ang pinakaunang kaso ng COVID-19 noong Pebrero 26, binatikos ni Brazilian President Jair Bolsanaro ang babala ng mga eksperto at tinuring bilang ‘little flu’ ang COVID-19.

Matapos nitong kutyain ang panuntunan ng social distancing sa social media, nahawaan ang pangulo ng virus.

Noong Marso, nagpatupad ng social distancing ang Brazil upang mapigilan ang pagkalat ng pandemya.

Gayunpaman ay patuloy pa rin ang pagtaas ng kaso sa kabila ng mga quarantine rule.

Kahit na tumataas ang kaso, pinaluwagan ng mga gobernador at alkalde ang mga restriksyon dahil sa pressure na ibinibigay ni Bolsonaro na naniniwalang mas malala ang pagbagsak ng ekonomiya kaysa sa virus.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *