Karahasan laban sa mga media practitioner, kinondena ng PNP

Karahasan laban sa mga media practitioner, kinondena ng PNP

KINOKONDENA ng Philippine National Police (PNP) ang alinman o sinumang nasa likod ng mga posibleng karahasan laban sa mga miyembro ng media practitioner sa bansa.

Ayon sa bagong talagang focal person para sa mga media personnel sa national level na si Police Colonel Roderick Augustus Alba, mahalaga ang papel na ginagampanan ng media sa bansa kung kayat pabor sila na bigyan ng kaukulang proteksiyon lalo na ngayong election season.

Iginagalang rin nito ang mga sakripisyo ng mga kawani ng media partikular na sa mga buwis-buhay na pagtutungo sa mga lugar para maghatid ng balita.

“The PNP finds it timely and relevant to designate  focal persons purposely for media security, ayon na rin sa kautusan ng DILG. Our PNP Chief  has high regards sa trabaho at sacrifices ng ating media partners. The job will be more challenging sa pag-co-cover ng election. Sila ang magiging takbuhan ng ating media practitioners kung may mga threat o intimidation that relates to the performance of their profession,” ayon kay Alba.

“We condemn any form of violence, that definitely includes violence against media but in the meantime, we will wait for the official guidelines from the top PNP leadership,” dagdag ni  Alba

Kaugnay nito, kinondena rin ni Alba ang gawain ng mga terorista sa bansa lalo na kung may kinalaman sa seguridad ng media personnel.

Sa kabilang banda, naniniwala rin ang PNP na hindi lang sa panahon ng halalan kailangan ng proteksiyon ng mga nasa larangan ng pamamamhayag kundi habang ginagampanan nila ang kanilang tungkulin na maghatid ng balita sa publiko.

Nauna na itong iminungkahi ng DILG at Presidential Task Force on Media Security sa PNP para sa kaukulang tugon sa pangangailangan ng mga media practitioner mula sa mga kinakaharap nitong harassment, pananakot at mga kahalintulad na banta sa buhay.

Paalala naman ng pamunuan ng National Press Club sa mga mamamahayag, panatilihing nasusunod ang code of ethics sa paglalahad ng impormasyon sa publiko.

“Ang ating panawagan sa ating mga kasamahan na muli, i-exercise natin at lagi nating i-observe ang ating code of ethics. Huwag tayong masyadong maging partisan ngayong halalan. Kasi yan ang pinagmumulan ng away. Lalo pa sa local level, mga politiko diyan pag eleksiyon balat-sibuyas. Panatilihin sa ating mga media na itaas ang antas ng ating pamamahayag,”saad ni Paul Gutierrez, President, National Press Club

Follow SMNI NEWS on Twitter

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *