Kapasidad ng healthcare system sa bansa, dapat pataasin —OCTA Research

Kapasidad ng healthcare system sa bansa, dapat pataasin —OCTA Research

DAPAT pataasin ang healthcare system capacity ng Pilipinas ayon sa iginiit ni Dr. Butch Ong ng UP OCTA Research Team kasunod ng pagka-detect ng bagong variant ng coronavirus sa bansa.

“Ang mungkahi namin ay to increase the capacity of the national healthcare system…ibig sabihin……doktor at nurse…..maitalaga for COVID,” ayon kay Dr. Ong.

Kailangan din aniyang pataasin ang testing capacity at paigtingin ang contact tracing efforts ng pamahalaan.

“We must also increase the testing capacity… We must also scale up our contact tracing efforts…at passengers kung saan sila nakatira,” ayon pa kay Dr. Ong.

Dagdag pa ni Dr. Ong, kailangang pataasin din ang kapasidad ng isolation facilities.

Dahil posibleng ma-overwhelm ang mga pasilidad hindi lang sa National Capital Region (NCR) kundi lalo na sa metro cities ng iba pang probinsiya.

Samantala, inihayag ni Navotas City Mayor Toby Tiangco na hindi hihinto ang LGU para sa libreng RT-PCR test ng lahat ng gustong magpa-COVID test na Navoteño.

Ibinahagi pa ng Navotas Mayor na nasa 600 ang kapasidad ngayon ng RT PCR test ng lungsod at maaaring tumaas pa ito.

“Pero ang pinakamahalaga kasi rito ay ang early detection. Kaya nga ginawa natin kaagad ang swab test doon sa ating mga employees. So ang local isolation facilities namin ay totally devoted ‘yan para roon sa mga close contact,” ayon kay Tiangco.

Dagdag pa ng alkalde, tuloy-tuloy pa rin ang kanilang mahigpit na implementasyon ng pagsusuot ng face mask kapag nasa labas, social distancing, at iba pang minimum health standard.

Sa ngayon ang reproduction rate ng NCR ay naglalaro siya between 1.10 and 1.17.

Ibig sabihin, dapat mas maingat ang mamamayan ngayon lalo na sa NCR dahil umaakyat na nang kaunti ang kaso ng COVID-19 mula sa pagpasok ng bagong taon.

Batay sa obserbasyon ng OCTA Research, sa NCR ay nakikita nila ang pag-akyat ng COVID case sa Quezon City, Manila, Pasig, Parañaque, at Marikina.

Sa labas naman ng NCR, nakikita nila na tumataas ang numero sa Davao del Sur, Isabela, Quezon, Misamis Oriental, Pangasinan, Agusan del Sur, Negros Oriental pati na rin ang Cebu City at Zamboanga del Sur.

Gayunpaman, hindi pa masasabing may pagsipa ng COVID case dahil dahan-dahan lang umaakyat, o may kaunting uptick lang ng mga datos ngayon.

“Hindi pa natin masasabi na nasa surge level na tayo. However, knowing na nagkaroon ng mga mass gatherings lately, especially noong Traslacion ay maaaring umakyat nang bahagya ang R naught,” ayon kay Dr. Ong.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *