Kamara, gumagalaw na para suspendihin ang excise tax sa langis dulot ng TRAIN Law

Kamara, gumagalaw na para suspendihin ang excise tax sa langis dulot ng TRAIN Law

BUBUO ang isang komite sa Kamara ng panukalang batas para suspendihin ang implementasyon ng excise tax sa langis na dulot ng TRAIN Law.

Dalawang buwan nang tumataas ang presyo ng langis sa Pilipinas sa gitna ng epekto ng COVID-19 pandemic sa kabuhayan ng mga Pilipino.

Ang mga motorista, lalo na dito sa Metro Manila patuloy na umaaray sa epekto patuloy na oil price hike.

Bukod diyan, nakakaapekto rin aniya ito sa pagtaas sa presyo ng pagkain at mga pangunahing bilihin.

Kaya para suspendihin ang excise tax sa langis dulot ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN Law, panukalang batas ang solusyon dito ng Kongreso.

Sa pagdinig ng House Committee on Ways and Means, na-aprubahan ang pagbuo ng technical working group para suspendihin ang excise tax ng TRAIN.

Pag-iisahin naman ng TWG ang lahat ng panukalang batas na layong suspendihin ang excise tax.

Kung maaprubahan, mababawasan P6/litro ang presyo sa diesel, P5/liter sa kerosene at P3/liter naman sa gasolina.

Ayon sa ekonomistang si Albay. Rep. Joey Salceda na siyang chairman ng Ways and Means, kinakailangan na magkaroon ng solusyon ang problemang ito.

At mainam na magpatupad ng universal o isahang solusyon kaya magpapasa sila ng batas para masuspindi ang batong na buwis.

“This is immediate relief. I am skeptical of targeted measures when the situation is dire because they tend to take time, and many fall through the cracks. A universal approach gets the job of easing suffering done quickly,” pahayag ni Salceda.

“Mas malaki  Mr. Chair kung excise tax sa produktong petrolyo ang mawawala at makikinabang po dito hindi lamang ang sektor ng public transport kind ang mga mamamayan,” ayon kay Mody Floranda ng PISTON Transport Group.

Pero mariin itong tinutulan ng Department of Finance (DOF) dahil mawawalan ang gobyerno ng bilyong-bilyong kita para pondohan ang iba’t-ibang programa ng pamahalaan.

“The suspension of excise taxes under the train will cause the government an estimated P119.5 Billion on revenues or around .5% of GDP in 2022 alone. The suspension of fuel excise tax be continued indefinitely the government could is estimated to loose P185. 6 billion on average annually. The revenue loss will result in less funding for the government programs particularly those targeted towards the poor” pahayag ni Nina Asuncion ng DOF.

Para naman business sector, mahihirapan ang gobyerno kung sususpendihin ang paniningil ng excise tax.

Solusyon para makamura ang mga motorista sa presyo ng langis, inilatag ni Ramon Ang

Samantala, may inilatag si Ramon Ang, President at CEO ng Petron Corp., na solusyon para makamura ang mga motorist sa presyo ng langis.

“I think alam naman nation ang ating budget deficits wow hindi na natin kaya diba? Additional 5, 6, 3 trillion of debts in the last 5 years I think the government cannot afford to suspend taxes,” ayon kay Ang.

Sa halip, hinimok ni Ang ang transport sector na magpakarga sa mga bagong gasolinahan para makamura.

Ito dahil nasa P10 na mas mura ang bagong gas stations kumpara sa malalaking gasolinahan.

“Turo mo lahat ng jeepney driver, taxi driver, bus driver public transport tricycle to buy from new players. They are now 40% of the industry oh di solve na tayo, wala na tayong problema,” dagdag pa ni Ang.

“40% of the gas station in the Philippines are new players and their selling price is P10/liter, I think all of you knows that.”

Sa ngayon ay nakikita ng DOE na magkakaroon na ng sunod-sunod na rollback sa presyo ng langis.

DOF, nakikita na ang simula ng pagbaba sa presyo ng langis sa bansa

“Mr. Chair as pointed out by recents developments, we have observed that the Dubai it was actually consistent from Dubai, crude oil, gasoline, diesel for this week has started to decrease. And we will be expecting rollback in the red highlight that will be the expected rollback tomorrow. For gasoline that would be around 1 peso. For diesel would around 68 centavos and kerosene 70 centavos. As pointed out earlier that there is now a shift in trend to lower prices because of the weakening demand of the lower market,” pahayag ni Rino Abad, director ng DOE Oil Industry Management Bureau.

Samantala, bukas naman si Ramon Ang na ibenta sa gobyerno ang Petron Corporation na ngayon ay pag-aari ng San Miguel.

Sagot niya ito sa panawagan ng mga makakaliwang grupo sa Kamara na kunin uli ang pamamahala ng Petron na dating pag-aari ng gobyerno.

Ramon Ang, handang  ibenta  pabalik sa gobyerno ang Petron Corp.

“Yung sina-suggest na bilhin ng gobyerno ‘yung Petron, privatization, anytime po puwede ko pa ipautang sa Philippine government, bilhin ninyo ito ng over five years to pay, ano ho ‘yan, I swear kung gusto ng gobyerno bilhin handa niyo na, sabihin niyo na, bebenta ko kaagad sa inyo. Pagawaan niyo na ng valuation immediately, walang arte-arte,” ayon ni Ang.

Tiniyak rin ni Ang na hindi niya tutubo kung ibebenta ang Petron sa gobyerno.

“Kung sa tingin ninyo jackpot ‘yung negosyong ‘yan, let the government buy it, market valuation ‘yan di ko kailangan tubuan ang gobyerno,” aniya pa.

Aminado naman ang negosyante na malaki ang kanilang lugi noong nakaraang taon sa simula ng pandemya na umabot sa P18 billion.

SMNI NEWS