Ilang tourism frontliner sa Boracay Island, pilit bumabangon mula sa dinaranas na kahirapan

Ilang tourism frontliner sa Boracay Island, pilit bumabangon mula sa dinaranas na kahirapan

PILIT bumabangon ng ilang mga tourism frontliner sa Boracay Island sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Umaasa rin sila na muling babalik ang sigla ng isla kasunod ng nangyaring bakunahan sa mga tourism frontliner.

Turismo ang isa sa mga pinagmumulan ng kabuhayan sa isla ng Boracay ngunit nang tumama ang pandemya marami ang naapektuhan at sa ngayon pinipilit na makabangon mula sa dagok ng kahirapan.

Kilala ang Boracay hindi lang sa bughaw na dagat at malaperlas at pinong-pinong buhangin nito.

Sikat rin ang isla sa nightlife.

Mula sa gabing puno ng sayawan at kantahan, kapansin-pansin ang tahimik at madilim na beachfront ng Boracay.

Maging ang plaza sa D-Mall na dati rati raw ay halos hindi na mahulugan ng karayom sa sobrang dami ng tao, ngayon nasa dalawa o minsan ay wala ka ng makikitang tao sa lugar.

Dahilan ito sa ipinagbabawal na ang pagdaraos ng mga party sa isla at iba pang pakulo tulad ng fire dance simula nang buksan ito sa publiko matapos ang rehabilitasyon.

Mas lalong tumahimik ang Boracay nang tumama ang pandemya sa bansa kung saan mas marami ang nawalan ng trabaho.

Pero sa kabila ng kahirapan at pagsubok na kinakaharap dulot ng pandemya, umaasa ang ating mga kababayan na babalik ang sigla ng Boracay ngayong may bakuna na laban sa COVID-19.

Nasa 3,000 tourism frontliners ang target na mabakunahan sa vaccination program ng Boracay Island na sinimulan kahapon, Hulyo 7.

Inaasahang matatapos ang pagbabakuna ng first dose sa 3,000 indibidwal sa Hulyo 9.

Umaasa ang lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan na sa pagbabakuna sa mga tourism frontliners, tataas pa ang bilang ng mga turista na bibisita sa Boracay na malaking tulong sa ekonomiya ng isla.

SMNI NEWS