Ilang senador, hindi pumabor na gawing mandatory ang bakunahan sa bansa

Ilang senador, hindi pumabor na gawing mandatory ang bakunahan sa bansa

HINDI pumabor ang ilang senador na gawing mandatory ang bakunahan sa bansa.

Mas kumbinsido si Senator Christopher ‘Bong’ Go na dapat palakasin ang panghihikayat sa publiko kaysa gawing mandatory ang bakunahan sa bansa.

Ayon kay Senate Committee on Health Chairman Senator Go mas dapat palakasin ang panghihikayat sa sambayanan na magpabakuna kesa gawing mandatory ang vaccination.

Ito ay kasunod ng plano ng DILG na ipatupad ang no vax no subsidy sa mga 4PS beneficiary.

Paliwanag ni Go na kailangan pa na magpasa ng batas kung ipipilit na gawing mandatory ang COVID-19 vaccination sa bansa.

Aniya, maaaring hindi na gawing mandatory ang bakunahan dahil may mga pag-aaral na nagsasabing tumataas na ang vaccine confidence ng mga pilipino kumpara noong nagsisimula palang ang bakunahan.

Giit pa ni Go, na sa kanyang pag-iikot sa iba’t ibang lugar sa bansa, nakita niyang marami na ang handang magpabakuna kaya naman sa tingin niya ay hindi na kailangan nang pilitan.

Dahil dito ay hinihikayat niya ang National at Local Government na bilisan at tiyaking makakarating ang bakuna sa lahat ng sulok ng bansa lalo na sa mga komunidad na pinaka-nangangailangan.

Dagdag pa ni Go na dapat ay palawakin pa ang rollout, paramihin ang vaccination centers at kung kailangan ay suyurin ang mga bahay-bahay para masigurong walang maiiwan sa bakunahan.

Maliban kay Go, hindi rin pabor ang iba pang senador gaya ni Senate president Tito Sotto III, Senator Risa Hontiveros at Senator Kiko Pangilinan na gawing mandatory ang COVID-19 vaccination.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *