Calauan Mayor Antonio Sanchez
National

Ilang mambabatas sa Kamara, tutol na palayain si dating Calauan Mayor Antonio Sanchez

IGINIIT ni Congressman Eric Yap ng ACT-CIS na liliham sila kay Justice Sec. Menardo Guevarra para irekunsidera ng Department of Justice ang planong pagpapalaya kay dating Calauan Mayor Antonio Sanchez na convicted sa panghahalay at pagpatay kay UPLB student na si Eileen Sarmenta at sa kasama nitong si Allan Gomez noong 1993.

Panawagan ni Yap na sanay pag-aralan ng Justice chief ang pagbibigay ng “allowance for good conduct” sa ilalim ng RA 10592 ng revised penal code dahil hindi katanggap-tanggap ang pagpapalaya sa isang convicted criminal na sangkot karumal-dumal na krimen.

“May tanong rin po ako, sino ho ba ang nagsabi na nakapasa po at nakapag-avail si Mayor Sanchez ng good conduct? Papano niyo po nasabi to? Sino ho ang nag gi-grade dito? Eto po ba dumaan po sa mga panel ‘to? Eh di ba po previous administration talamak ang pasok ng drugs sa BuCor? Di ba po magkano lang po ang binabayad para makapagpasok ng drugs? Ngayon po magkano ang babayaran para maging good conduct?” pagtatanong ni Yap.

Nito lamang 2010 ay nahulihan ng P1.5 million na halaga ng shabu si Sanchez at 2015 ay nakumpiskahan naman ng flat screen TV at air conditioning unit sa kanyang kubol.

Mga insidente na para kay Yap ay paglabag sa Good Conduct Time Allowance o GCTA.

Para naman kay Congressman Alfredo Garbin ng AKO- Bicol, bagsak sa good conduct si Sanchez dahil malinaw na sa record na nilabag nito ang prison rules.

“He is absolutely unqualified for the law that favors inmates who show exemplary behavior. To do otherwise is to caused ignominy and more suffering to the victims family,” ayon kay Garbin

Samantala, kinuwestyon naman ni PBA Congressman Jericho Nograles ang teknikalidad ng GCTA sa kaso ni Sanchez.

“The Good Conduct Time Allowance (GCTA) can grant only 15 days deduction per month of service of study, teaching, or mentoring. Not to mention, there are instances when the former Calauan mayor was caught with drugs in his prison cell,” ayon pa kay Nograles.

“It is mathematically impossible to set Sanchez free this year based on GCTA alone,” dagdag ni Nograles.

Aniya, kahit gamitan pa ng math, ay malabong makalaya ang dating alkalde gamit lamang ang GCTA.

Maghahain naman ang ACT-CIS ng panukala para amyendahan ang RA 10592.

Igigiit nila sa panukala na lagyan ng criteria ang mga krimen na nararapat lamang mabigyan ng “good conduct” at hindi nararapat na maisama dito ang mga mabibigat na kaso katulad ng rape with murder ni Sanchez.

Balak din nilang kausapin si Speaker Alan Peter Cayetano para humingi ng guidance at suporta sa mga mambabatas sa mungkahing amyendahan ang batas habang si Congressman Garbin ay maghahain ng House resolution para maimbesitigahan ang insidente.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *