Ilang jeepney driver sa Maynila, balik sa pamamalimos dahil sa MECQ

Ilang jeepney driver sa Maynila, balik sa pamamalimos dahil sa MECQ

SA kahabaan ng Rizal Avenue Extension sa Maynila, kapansin-pansin ang isang grupo ng mga jeepney driver na nag-aabang ng mga sasakyan at sa sinuman na hihinto at mag-aabot sa kanila ng tulong.

Bitbit ang karatula na naglaman ng mensahe na hanggang ngayon ay hindi pa sila nakararanas na makabalik sa kanilang ruta na kanilang pangunahing hanapbuhay para masustentuhan na sana nila ang kanilang mga pamilya.

Ayon sa grupo ni Mang Samuel, simula pa noong buwan ng Marso nang mag-umpisa mag-lockdown ang bansa kasabay ng pagtigil ng kanilang operasyon, ay saka din nila sinimulan ang pamamalimos sa daan.

Ayon sa kanila ang mahalaga nalang sa ngayon ay may pangkain lang sa kanilang pamilya sa pang-araw-araw.

At para makalikom ng pera, maaga palang ay nakapwesto na sila sa lugar hanggang sa hapon depende sa lagay ng panahon.

Mag-aanim na buwan na ngayong Agosto mula nang simula nila ang panghihingi ng tulong sa daan.

Hindi na rin sila umaasa sa sinasabing ayuda mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) dahil hanggang ngayon wala namang dumating na tulong sa kanila.

[tie_full_img] [/tie_full_img]

“Noong mag-umpisa ang lockdown, siguro mga ikalawang linggo naglunsad na kami ng pagpapalimos, dahil gipit na sa pang kuwan sa bahay gipit sa pagkain ngayon itinuloy-tuloy na namin yung pamamalimos dahil wala na talagang maibigay na ayuda ang kahit ang LTFRB ang sabi nila mayroon, pero hindi naman namin nakuha yun, hanggang ngayon. Ngayon dito na namin kinukuha yung pang araw- araw na pagkain tapos bayarin sa upa ng bahay, kuryente, tubig.” Samuel Dizon, isang jeepney driver

 

Ayon pa kay Dizon, lagi naman silang umaasa na sila ay makaballik sa kanilang dating ruta na Monumento hanggang Pasay Rotonda dahil dito lang nila kinukuha ang kanilang panggastos para sa pamilya.

Paniniwala ni Mang Samuel, mukhang pinipili lang kung sino ang maaaring bumiyahe.

Pero bahagya naman silang nabuhayan ng loob matapos na marinig nila ang pahayag ni Pangulong Duterte sa Ikalimang SONA nito na sisilipin ang problema ng mga tsuper.

Bilang suporta naman aniya ng kanilang barangay, binigyan sila ng permiso na maaari silang mamalimos sa daan.

Aminado din kasi ang kanilang barangay na problemado na din sila sa kanilang ayuda.

Nauna nang inirireklamo ng grupong PISTON at FEJODAP at iba pang transport sector ang implementasyon ng jeepney modernization program na siyang kumitil sa hanapbuhay ng milyon-milyong jeepney driver sa buong bansa.

Sinundan din ito ng kontrobersiya sa pamamahagi ng ayuda sa ilalim ng Social Amelioration Program ng pamahalaan.

Bagama’t lehitimo ang kanilang panghihingi ng tulong dito sa daan, isa lang din ang natutunan nila sa buhay, ang mag-ipon habang may pinagkakakitaan pa.

Ayon sa kanila, mahirap ang kalagayan nila ngayon gayong wala na silang hanapbuhay, wala ding ipon na mahuhugot sa pang araw-araw.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *