Ilang health facility na hindi kumpleto ang case reporting system sa COVID-19, pagpapaliwanagin

Ilang health facility na hindi kumpleto ang case reporting system sa COVID-19, pagpapaliwanagin

PINADALHAN ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) ng sulat ang ilang ospital, laboratory at Disease Reporting Units (DRUs) para imbitahan sa isang pagpupulong kaugnay ng hindi kumpletong case reporting system na nagpapabagal sa contact tracing efforts.

Ayon kay Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles, hihingan nila ng paliwanag ang mga health facility lalo na ang mga nasa lungsod ng Quezon.

Ito’y upang ipanawagan ang kanilang pagtalima sa pagsumite ng wasto, kumpleto, at napapanahong impormasyon na may kinalaman sa datos ng mga pasyente ng COVID-19.

Hindi naman direktang tinukoy ni Nograles kung alin sa healthcare facilities ang nagpapasa ng kulang-kulang case reporting system.

Sinabi pa ng opisyal na posible rin itong nangyayari sa ilang lugar sa bansa.

Ang naturang sulat na imbitasyon ay pinirmahan nina Nograles, Health Secretary Francsico Duque III at Justice Secretary Menardo Guevarra.

Mababatid na si Duque ang tumatayong chairperson ng IATF habang si Nograles ang nagsisilbing co-chair.

Kaugnay nito, inihayag ng isang miyembro ng University of the Philippines-OCTA research team na nag-umpisa na umano ang pagpatag ng mga kaso ng COVID-19 sa Metro Manila at kalapit na mga lalawigan sa CALABARZON.

Ayon kay Dr. Guido David, parehong nasa .95RO (reproduction number o ‘r naught’) na umano ang nakikita sa Metro Manila at Region 4A kung saan senyales ito ng pagpatag na ng kurbada kapag mas mababa na sa 1RO (reproduction number) ang naitatala.

Mula 19 porsyento ng ‘positivity rate’, bumaba na rin umano ito sa 12%, base pa rin sa kanilang obserbasyon.

Kung maalala, isinailalim sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang Metro Manila at karatig mga lalwigan mula Agosto 4 hanggang 18 matapos ang pagtaas ng mga kaso nang unang inilagay sa ‘General Community Quarantine (GCQ)’ ang nabanggit na mga lugar.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *