Ika-17 pagyanig ng Bulkang Taal, naitala ng PHIVOLCS sa nakalipas na 24 oras; Alert Level 3, nananatili

Ika-17 pagyanig ng Bulkang Taal, naitala ng PHIVOLCS sa nakalipas na 24 oras; Alert Level 3, nananatili

NAKAPAGTALA ang Philippine Institute Volcanology and Seismology ng labingpitong pagyanig ng Bulkang Taal sa nakalipas na 24 oras, kung kaya’t isinailalim pa rin ito sa Alert Level 3.

Bukod pa rito, ang pagyanig ng Bulkang Taal ay patuloy pa rin na bumubuga ng matataas na lebel ng volcanic sulfur dioxide na may average na 3,755 na tonelada kada araw.

Samantala, umabot naman ang steam-rich plumes sa taas na 1,800 meters bago ito tumungo sa timog-kanlurang bahagi mula sa main crater.

Sabi ng PHIVOLCS, inirerekomenda ang paglikas ng mga residente sa Taal Volcano Island at mga barangay sa Agoncillo at Laurel sa Batangas dahil sa banta ng volcanic tsunami.

Ayon pa rin sa PHIVOLCS, sa ilalim ng Alert Level 3 o magmatic unrest, maaaring mangyari ang explosive eruption dahil sa magma na lumalabas sa main crater.

Sa ngayon, pinagbabawal ng PHIVOLCS ang anumang aktibidad sa Bulkang Taal dahil sa pag-aalburoto nito. Ang mga may-katungkulan sa civil aviation ay nararapat na humikayat sa mga piloto na iwasang magpalipad malapit sa bulkan dahil sa naglilipanang abo.

Pinapayuhan ang mga  residente sa paligid ng Taal Lake na maging mapagmatyag at mag-iingat dahil sa posibleng ashfall at vog at maging laging handa sa posibleng evacuation kung sakaling ang aktibidad ng Taal ay lumala. Lahat ng mga aktibidad sa Taal Lake ay ipinagbabawal sa ngayon.

Ang DOST-PHIVOLCS ay masusing nagbabantay sa kalagayan ng Bulkang Taal 24/7 at handang agarang ipabatid ang anumang pagbabago nito sa lahat ng kinauukulan.

SMNI NEWS