ICC, nagagamit sa pulitika at propaganda laban kay Duterte —Panelo

ICC, nagagamit sa pulitika at propaganda laban kay Duterte —Panelo

MAY banat ang mga opisyal ng Malakanyang sa International Criminal Court (ICC) matapos aprubahan nito ang “full investigation” kaugnay sa drug war ng Administrasyong Duterte.

Inanunsyo ng ICC na tuloy na ang imbestigasyon ng international tribunal kay Pangulong Rodrigo Duterte patungkol sa umano’y extrajudicial killings o may kinalaman sa drug war ng Pilipinas.

Sa pahayag ng ICC, pinayagan ng Pre-Trial Chamber nito ang kahilingan ng ICC Prosecutor na umpisahan na ang pag-iimbestiga sa kampanya ng administrasyon kontra iligal na droga.

Ito ay magmula noong Hulyo 2016 nang simulang manungkulan ni Pangulong Duterte hanggang Marso 2019 noong naging epektibo ang pagkalas ng Pilipinas sa Rome Statute.

Kaugnay nito, tahasang sinabi ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na ang ICC ay nagagamit sa pulitika at propaganda laban kay Pangulong Duterte.

“It also reveals that the ICC is being utilized as a political and propaganda apparatus by those usual suspects who will do anything to dethrone the President from his seat,” pahayag ni Panelo.

Inaasahan na rin aniya ng Palasyo na marami pang larong gagawin ng mga detractor ng Pangulo lalo’t papalapit na ang eleksyon.

Una nang inihayag ng Malakanyang na pulitika ang dahilan kaya pumasok ang ICC sa war on drug ng Pilipinas.

Binigyang diin din ni Panelo na ang development na nabigyan na ng otoridad ang pre-trial chamber ng ICC na mag imbestiga sa mga nabanggit na alegasyon ay hindi makagambala o hindi makapagbagabag sa Pangulo at sa administrasyon nito.

Sa kabilang banda, iginiit ni Panelo na kakonde-kondena ang lantaran at walang kabuluhang pangingialam at pag-aatake ng ICC sa soberenya ng Pilipinas partikular sa kampanya kontra illegal drugs at iba pang domestic affairs ng bansa.

“This blatant and brazen interference and assault on our sovereignty as an independent country by the ICC is condemnable,” ayon kay Panelo.

Mananatili naman ang panindigan ng Pilipinas ani Panelo kaugnay ng proceedings sa ICC kung saan wala aniya kailanman na hurisdiksyon ang naturang foreign institution sa mga kaganapan at public interest ng Pilipinas at ng mamamayang Pilipino.

Sambit pa ng Palace official, hindi na kataka-taka na ang mga nangunguna at makapangyarihang mga bansa ay hindi lumahok o nagawang kumalas sa pagkamiyembro ng ICC.

Bukod sa isyu ng drug war, saklaw din ng imbestigasyon ng ICC ang mga alegasyon ng Davao killings simula Nobyembre 2011 hanggang Hunyo 2016 kung kailan naging mayor at vice mayor si Pangulong Duterte.

Kaugnay nito kinontra ng Malakanyang ang pananaw na nagsabing maaaring isyuhan ng ICC ng warrant of arrest si Pangulong Duterte sa insidente na may kinalaman sa Davao Death Squad.

Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na isang malaking kamalian ang mga pananaw na ito dahil wala aniyang kapangyarihan ang ICC na ipaaresto o ipatawag ang indibidwal na inirireklamo.

Paliwanag ng kalihim, preliminary o unang hakbang pa lamang ito ng imbestigasyon kung saan kinakailangan munang kumuha ng ICC ng mga matitibay na ebidensiya.

Ganoon pa man, walang makukuhang ebidensiya ang mga prosecutor ng ICC mula sa Pilipinas.

Itoy dahil nagpahayag na si Pangulong Duterte na hindi ito makikipag cooperate sa ICC.

“So, alam ninyo po kasi ang sistema na ginagawa nila sa ICC, iyan po ay tinatawag na inquisitorial. Dito po sa Pilipinas, ang mga nagrereklamo, sila po iyong nagsusumite ng mga ebidensiya. Pero sa kanilang sistema, iyong prosecutor hahanap ng ebidensiya, hindi ibinibigay sa prosecutor. Ang problema eh kung hindi na tayo miyembro at wala nang duty to cooperate, paano sila makakakalap ng ebidensiya?” pahayag ni Roque.

Kung kaya, nakatitiyak ang Malakanyang na matutulog lamang ang kaso dahil sa kawalan ng kooperasyon ng pamahalaang Pilipinas.

“Kaya kung titingnan ninyo po, napakadaming mga kaso, taon na po ang nakalipas, nakabinbin po ang preliminary investigation kasi wala nga po silang makalap na ebidensiya. So, ang aking prediksyon po, matutulog lang po iyang kasong iyan dahil in the absence of cooperation, lalung-lalo na sa kapulisan eh wala po talagang ebidensiya na makakalap,” ani Roque.

Matatandaang kumalas ang Pilipinas bilang signatory sa Rome Statute o ang kasunduan na lumilikha sa ICC.

Kung maalala, pinalalabas ng ICC na masama si Pangulong Duterte at nagkaroon ng mga paglabag sa karapatang pantao dahil sa paglulunsad ng kampanya kontra iligal na droga.

Una nang inihayag ng Pangulo na malisyoso at malinaw na pag-atake sa kanyang pagkatao ang preliminary examination ng ICC sa anti-illegal drug war ng bansa.

Mababatid na pinagtibay din ng pagkalas ng Pilipinas sa Rome Statute ang kawalan ng hurisdiksyon ng ICC na magsagawa ng imbestigasyon sa bansa.

BASAHIN: Ebidensiyang nakalap ng ICC hinggil sa war on drugs ng Pilipinas walang basehan —Palasyo

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *