House to house na pagbabakuna panawagan ni Senator Go

House to house na pagbabakuna panawagan ni Senator Go

PANAWAGAN ni Senator Christopher ‘Bong’ Go sa mga local government units (LGUs) na huwag sayangin ang COVID-19 vaccines at kung maaari ay house to house ang pagbabakuna para direktang mabakunahan ang mga senior citizen at may comorbidities na hindi makalabas para magpabakuna sa mga vaccination sites.

“Ang panawagan ko po sa mga LGUs na suyurin po. Kasi ‘yung mga senior citizens natin hindi nakakalabas, takot pong lumabas, takot mag-travel po papunta sa vaccination center,” pahayag ni Senator Go.

Ayon kay Go, dapat nang mabakunahan sa lalong madaling panahon ang mga priority group upang mabakunahan na ang susunod o iba pang sektor.

“Remember, 18 million ang senior citizens natin. Marami pa tayong backlog, kaunti pa ‘yung supply ng bakuna natin,” wika ni Go.

Paalala nitong muli sa publiko na huwag matakot sa bakuna, lalo na ang mga senior citizen na kabilang sa priority group na dapat nang mabakunahan para sa kanilang proteksyon.

“Nananawagan po ako sa mga kababayan natin na magtiwala ho kayo sa bakuna, huwag ho kayong matakot sa bakuna. Sa mga senior citizens po magpabakuna na kayo, part po kayo ng priority list. Marami pa pong dapat balikan ang ating gobyerno, lalong lalo na po sa senior citizen,” ayon pa kay Go.

Hinihimok din ni Go ang mga essential workers o nasa A4 category na magpabakuna na ngayong binuksan na kamakailan ang bakunahan para sa mga ito.

Ani Go, ang vaccination program para sa mga essential workers ay isang malaking tulong para makarekober ang ekonomiya ng bansa matapos  na sumailalim sa mahigpit na restriksyon para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.

“Kakabukas lang po ng A4, ‘yung mga essential workers, economic frontliners. Magpabakuna na po kayo, para po ito sa ating ekonomiya,” ani Go.

“Para unti-unti na tayong makabalik sa ating normal na pamumuhay katulad noon, mabuksan na po ang ating ekonomiya,” dagdag ni Go.

 SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *