Higit 5,000 Pilipino mula sa Sabah, nais nang bumalik ng bansa —Sec. Lorenzana

Higit 5,000 Pilipino mula sa Sabah, nais nang bumalik ng bansa —Sec. Lorenzana

HIGIT 5,000 mga Pilipino sa Sabah, Malaysia ang nais nang umuwi ng bansa sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana, sa bilang na ito, nasa 1,700 na ang nakauwi ng bansa, 400 ang makauuwi na bukas at nasa 3,300 pa ang naghihintay na mapauwi ng bansa.

Ayon kay Lorenzana, ito ay dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Malaysia.

Dagdag pa ni Lorenzana, nasa 200,223 na mga overseas Filipino workers na ang natulungan ng gobyerno na makauwi ng Pilipinas.

Mayorya sa mga naturang OFW na boluntaryong gustong umuwi ay taga-Tawi-Tawi, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), Sulu, Basilan, Cotabato at Zamboanga.

Una nang tiniyak ni Pangulong Duterte na magkakaloob ang gobyerno ng subsidiya para sa dependents ng OFWs na nawalan ng trabaho, na-repatriate o namatay sa sakit na coronavirus disease.

Inihayag naman ng Department of Labor and Employment na tuluy-tuloy ang kanilang programang DOLE-AKAP na may layon na magbigay ng pinansiyal na ayuda sa mga OFW sa iba’t ibang bansa na nawalan ng trabaho bunsod ng sa COVID-19.

Higit sa lahat, nais ng DOLE na ilaan ang pinansiyal na ayuda sa mga OFWs na higit na nangangailangan dahil sa kawalan ng tulong mula sa kanilang employer o sa pamahalaan ng bansang pinagtatrabahuan.

Samantala, inulat ni Lorenzana kay Pangulong Rodrigo Duterte na nasa 200,223 overseas Filipino workers (OFWs) na ang na-repatriate at napauwi na sa kani-kanilang lalawigan, base sa pinakahuling tala nitong Setyembre 20.

Sinabi ni Lorenzana na 80,000 pa ang inaasahang makabalik sa Pilipinas batay sa pahayag ni Labor Secretary Silvestre ‘Bebot’ Bello III.

Nasa 261 na ang dumating na mga labi ng mga Pilipino mula sa Kingdom of Saudi Arabia kung saan 164 ang COVID case at 97 naman ang non-COVID.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *