Hermosa Sanitary Landfill sa Bataan, nakitaan ng maraming paglabag ng DENR

Hermosa Sanitary Landfill sa Bataan, nakitaan ng maraming paglabag ng DENR

KINAKITAAN ng sandamakmak na mga paglabag sa environmental laws ang operator ng Hermosa Sanitary Landfill facility sa Brgy. Mambog, Hermosa sa Lalawigan ng Bataan.

Ito ang report na inilabas ng DENR-Environmental Management Bureau matapos ang liham ng pag-apela ni Hermosa Mayor Jopet Inton na silipin ng ahensiya ang panganib na idinudulot ng sanitary landfill sa mga residente sa lugar.

Sa ipinatawag na zoom meeting ni Bataan Second District Cong. Joet Garcia, inisa-isa ni EMB Director William Cunado at Technical Working Group mula sa DENR-Central Office ang umano’y mga violations ng Econest Waste Management Corporation, ang operator ng landfill facility.

Kabilang sa mga ito ang non-compliance sa probisyon ng RA 6969 o ang Toxic Substances and Hazardous and Nuclear Waste Act of 1990, kawalan ng emergency preparedness plan, safe closure plan at rehab plan, paglabag sa specific provisions ng RA 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act of 2000.

Ayon sa DENR-EMB, wala rin umanong maipakitang TSD Category C permit ang Econest, pero batay sa comprehensive inspection na isinagawa ng ahensiya nitong nakalipas na August 3 at 4 nadiskubre ng EMB Technical Team na tumatanggap ito ng mga biomedical o hazardous waste.

Batay sa sulat ni Mayor Inton sa DENR noong 2019 inihayag nito ang pagkabahala sa tumatagas na katas ng basura na papunta sa Mambog Creek na ang huling hantungan ay karagatang bahagi ng Manila Bay.

Bagama’t una nang pinatawan ng LGU ng Temporary Closure Order ang Econest nitong nakalipas na buwan ng Pebrero, pero nagtataka si Mayor Inton kung bakit taliwas sa report ng DENR-EMB ang inilabas ng DENR Region 3 Office na ang tanging paglabag na nakita ay ang kawalan nito ng permit.

Dahil sa nakitang mga paglabag na ito, tiniyak ng DENR-EMB na mananagot sa ilalim ng mga umiiral na batas-pangkalikasan ang lahat ng may pananagutan partikular na ang pasaway na operator ng sanitary landfill sa Hermosa, Bataan.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *