Hall of Justice sa Bacolod, nakatanggap ng bomb threat

NASUSPENDE ang mga pagdinig sa korte at mga transaksyon sa opisina ng Hall of Justice sa Bacolod City ng dalawang oras matapos makatanggap ng bomb threat kahapon, Abril 6.

Ayon kay Lt. Andy Ofalia, deputy chief of Police Station 2, rumesponde ang kanyang tauhan sa impormasyon na kanilang natanggap sa pamamagitan ng tawag ng telepono sa hotline number ng Public Attorney’s Office (PAO).

Bandang alas 8:00 ng umaga, isang lalaki ang tumawag at sinabi nito sa isang empleyado na sabihan ang nasa loob ng gusali na lumikas dahil may bombang sasabog.

Pinasara aniya ang gusali at humiling sila ng tulong sa Negros Occidental Police Provincial Office Explosive Ordinance Disposal at K-9 Unit para sa clearing operation.

Sa pahayag ni Executive Judge Raymond Joseph Javier ng Regional Trial Court, pinalikas nito ang mga empleyado at iba pang mga tao sa gusali upang bigyang-daan ang clearing sa paligid.

“After a thorough sweep of the whole building, including the parking lot areas, the bomb squad cleared the building and declared it safe for occupancy,” ayon kay Javier.

Muling bumalik ang operasyon sa korte ng alas 10:30 a.m. at kasalukuyang iniimbestigahan ang pagkakakilanlan ng lalaking tumawag.

(BASAHIN: Bacolod, Negros Occidental, nagbigay na ng 20% paunang bayad sa AstraZeneca)

SMNI NEWS