Granular quarantine ipinatupad sa ilang purok sa Guimba, Nueva Ecija

Granular quarantine ipinatupad sa ilang purok sa Guimba, Nueva Ecija

AGAD na isinailalim sa granular lockdown ang ilang purok sa Barangay Sta. Veronica District sa Guimba, Nueva Ecija dahil sa mabilis na pagkalat ng virus sa lugar.

Matapos na makapagtala ng magkakasunod na pagkasawi sa sakit na COVID-19 at pagtaas sa bilang ng mga aktibong kaso ay isinailalim na sa granular lockdown ang ilang purok sa Barangay Sta. Veronica District sa Guimba, Nueva Ecija para mapigilan ang pagkalat ng virus.

Isinailalim sa granular quarantine ang ilang purok sa Brgy. Sta Veronica District matapos magtala ng 4 na magkakasunod na pagkasawi sa COVID-19 at pagkakaroon ng 20 aktibong kaso.

Ayon kay Guimba Municipal Health officer Dra. Gene Tadeo nababahala sila sa mabilis na pagtaas ng kaso sa lugar dahil umano sa local transmission na kapag isa sa pamilya ay positibo madali na silang magkakahawaan.

Sa kanilang pag-aaral ang Guimba Public Market ang naging common ground kung saan marami sa mga nagpositibo ay nagtungo sa palengke. Dahil dito ipinatupad simula kahapon ang granular quarantine sa ilang purok kung saan lalagyan ng harang ang mga daanan upang hindi makalabas at makapasok ang mga tao sa 15-20 meter radius kung saan may nagpositibo.

Dagdag pa ng Municipal Health office 5 hanggang 7 araw tatagal ang quarantine, walang lalabas at papasok habang isasagawa naman ang disinfection at antigen testing sa mga apektadong residente habang bibigyan naman ng food packs ang mga apektado.

Sa pinakahuling tala, umabot na sa 100 ang aktibong kaso sa Guimba, 178 ang naka rekober na sa sakit at 24 naman ang binawian ng buhay habang nasa 302 na ang kumpirmadong kaso ng COVID-19.

(BASAHIN: P14.4-M housing project para sa mga dating rebelde, itatayo sa Nueva Ecija)

SMNI NEWS