Gordon, nakitaan ng conflict of interest bilang pinuno ng Philippine Red Cross

Gordon, nakitaan ng conflict of interest bilang pinuno ng Philippine Red Cross

NAKITAAN ng isang abogado ng conflict of interest si Senator Richard Gordon bilang Chairman at CEO ng Philippine Red Cross.

Ayon kay Atty. Larry Gadon, si Gordon ang may akda ng Philippine Red Cross Act of 2009 o ang RA 10072.

Giit ni Gadon, malinaw na may conflict of interest dahil si Gordon ang pinakaunang nakikinabang sa kapangyarihang saklaw ng batas na siya ang main author.

“Dapat noong tumakbo siyang senador at nang siya ay umupo bilang senador dapat ay binitawan na niya ‘yan sapagka’t kinakailangan na walang duda o pag-alinlangan o walang kontrobersyal na mga issues na masangkot diyan sa Philippine National Red Cross lalo pa at siya ay politiko. Maaaring magdudahan na ‘yung pondo ng Philippine National Red Cross ay kanyang ginagamit sa ibang pamamaraan. Ito ay pananawagan lamang dahil ang Philippine National Red Cross ay tumatanggap ng milyun-milyon na pondo galing sa gobyerno,” pahayag ni Gadon.

Naniniwala rin si Gadon na dapat ma-audit ng Commission on Audit o COA ang Philippine Red Cross.

Nanawagan rin ito kay Pangulong Duterte na tanggalin ang mga appointees sa board ng PRC.

“Nananawagan ako kay Presidente (Rodrigo) Duterte na i-recall o i-revoke ang mga appointments ng anim na presidential appointees diyan sa board ng Philippine National Red Cross. Sila ay mga presidential appointee pero hindi sila tumupad sa kanilang tungkulin o obligasyon na magsumite ng annual reports sa President of the Philippines. Akala yata nila ay sila ay talagang independent na,” ayon kay Gadon.

Matatandaan na si Pangulong Rodrigo Duterte mismo ang nagsabi sa COA na i-audit ang PRC.

Pero sa pagdinig sa Kamara, sinabi ni COA Chairman Michael Aguinaldo na walang huridiksyon ang kanilang ahensiya para i-audit ang PRC.

Ngunit hindi sang-ayon si Gadon sa ipinahayag ng opisyal ng COA.

“Yan ay mali sapagkat ang Philippine National Red Cross ay tumatanggap ng napakalaki milyon-milyon, daang milyon na pondo galing sa gobyerno. Ang kinikita ng isang araw na lottery ay napupunta sa Philippine National Red Cross para sa kanilang general fund at ang isa pang araw uli na lottery, ‘yun kinikita nito ay inilalaan naman sa kanilang blood bank kaya hindi po pwedeng sabihin na sila ay fully independent. May karapatan ang gobyerno na i-audit ang kanilang paggastos diyan sa pondo na binibigay ng gobyerno at ‘yan ay nasa batas ‘yan. Kinakailangan na magkaroon na rin ng audit ‘yan sapagkat napakakontrobersyal ng Philippine Red Cross sa mga panahon ngayon,” ani Gadon.

Ipinanawagan na rin ni Gadon ang resignation ni Senator Gordon sa Red Cross.

BASAHIN: Philippine Red Cross ginagamit lamang ni Senator Gordon para sa eleksyon- PRRD

SMNI NEWS