FDA: Nasal spray, hindi gamot at panlaban vs. COVID-19

FDA: Nasal spray, hindi gamot at panlaban vs. COVID-19

NAGBABALA ang Food and Drug Administration (FDA) sa publiko na hindi dapat maniwala sa mga pahayag ng mga kompanyang gumagawa o nagbebenta ng nasal spray products na epektibo ang mga ito bilang pangontra sa COVID-19.

Nilinaw ng FDA na hindi dapat gamitin bilang pamalit sa mga gamot at bakuna kontra COVID-19 ang mga nasal spray.

Sa isang pahayag, sinabi ni FDA Director-General Eric Domingo na binigyan ng authorization sa bansa ang mga nasal spay product bilang medical devices na inilaan para sa panadaliang paggamit para sa nasal cavity at bilang mechanical barriers mula sa mga particulate tulad ng alikabok o usok.

“These Nasal Spray products have been authorized as medical devices that are intended for short-term use in the nasal cavity and serves as mechanical barriers from particulates,” pahayag ng FDA.

Ani Domingo, ang sangkap ng naturang mga produkto ay walang tiyak na epekto laban sa mga pathogen o sa mga virus, bacteria at iba pang microorganism na maaaring magsanhi ng sakit.

Wala aniyang active pharmaceutical ingredients ang mga nasal spray na direktang nakakagamot, nag-aalis at pumipigil sa mga karamdaman.

“The products do not have active pharmaceutical ingredients that directly treat, eliminate or prevent diseases,” ayon sa FDA.

Nag-isyu rin ng advisory ang Philippine Society of Otolaryngology at sinabing ang mga nasal spray ay dapat hindi gamitin bilang kapalit ng mga gamot at bakuna upang maiwasan o magamot ang COVID-19.

Ilang nasal spray products ang nagpahayag sa pamamagitan ng advertisements na makatutulong ang mga ito na maiwasan ang paglubha ng sakit.

Hinimok ng FDA ang publiko na maging vigilant o mapagbantay sa paggamit ng mga produkto na umaangking kaya nitong makapigil o makapaggamot sa COVID-19.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *