Duterte, wala pang posisyon ukol sa panukalang gawing mandatory ang COVID-19 vaccination

WALA pang inihayag na posisyon si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa panukalang batas na gawing mandatory ang COVID-19 vaccination sa mga Pilipino na kwalipikadong maturukan ng bakuna.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, naniniwala siyang wala pang pangangailangan na gawing mandatory ang COVID-19 vaccination sa mga Pilipino lalo’t limitado pa lamang ang suplay ng bakuna.

Ito aniya ay dahil hinihintay pa rin ng bansa ang bultong suplay ng mga bakuna.

Kaya ani Roque,  tama lang sa ngayon na habang hindi pa dumadating ang maraming suplay ng COVID-19 vaccines, ay hindi pa nagnanais na magpabakuna ang lahat.

Subalit, oras naman na dumating na sa bansa ang mas maraming vaccine doses, ay pwede nang paganahin ang “police power” ng estado kung kinakailangan upang i-require ang pagbabakuna kontra Coronavirus.

Samantala, inihayag naman ng Department of Health (DOH) na dapat ‘voluntary’ lamang ang COVID-19 vaccination.

Sinabi ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na sinusunod nila ang rekomendasyon ng World Health Organization (WHO) at strategic advisory group of experts na ang pagbabakuna ay dapat ‘purely voluntary’.

Karapatan ani Vergeire ng bawat tao ang magdesisyon kung tatanggap siya o hindi ng COVID-19 vaccine doses.

Sa House Bill 9252 na inihain ni Vice Chairman ng House Committee on Health at 4th District Cavite Rep. Elpidio Barzaga Jr., aamyendahan ang Republic Act 11525 o ang COVID-19 Vaccination Program Act of 2021.

Ito ay upang masiguradong mababakunahan ang malaking bahagi ng populasyon ng Pilipinas upang makamit ang target na herd immunity.

Sa ilalim ng panukala, nakasaad dito na kung gagawing mandatory ang pagbabakuna, mas marami ang magiging ligtas laban sa Coronavirus na siya ring inaasam ng DOH.

(BASAHIN: Mas maraming vaccination sites, isinusulong ng DOH)

SMNI NEWS