Duterte, umapela sa publiko na iwasan ang mga pista ngayong pandemya

Duterte, umapela sa publiko na iwasan ang mga pista ngayong pandemya

UMAPELA si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa publiko na iwasan muna ang pagdiriwang ng mga piyesta at iba pang pagtitipon sa gitna ng kinakaharap na pandemya.

Ginawa ni Duterte ang panawagan sa gitna ng pagkabahala na maaaring mas kumalat pa ang COVID-19 virus dulot ng mga taunang pagdiriwang na idinadaos tuwing Mayo.

 “Sinasabi ko lang na Mayo, maraming fiesta. I do not attribute it to any other particular region or what but there are a lot of fiestas kasi. Is that you only not tone down but forgo kasi may batas forgo to congregate, to crowd and to hold,” pahayag ng Pangulo.

Ito din ay matapos magpasya ang Pangulo na luwagan ang quarantine restrictions sa NCR Plus na binubuo ng Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal.

Ang NCR Plus ay isasailalim sa General Community Quarantine (GCQ) mula Mayo 15 hanggang sa Mayo 30.

(BASAHIN: MECQ sa NCR Plus, dapat palawigin ayon sa OCTA Research)

Paalala pa ni Pangulong Duterte sa mga kapwa Pilipino, hindi niya kukunsintihin ang sinumang indibidwal na lalabag sa mga health at quarantine protocol na ipinataw ng gobyerno upang maiwasan ang posibleng hawaan ng virus.

“Be mindful of that because we are still in pandemic and there is no way of knowing how long this would last in this planet. I will not allow the violations of the guidelines given by the task force,” ani Pangulo.

Iginiit din ng Punong Ehekutibo na magbibigay siya ng karampatang parusa sa mga lokal na opisyal na mabibigong ipatupad ang minimum health standards sa publiko.

“I will hold local governments down to the last barangay level and therefore, it could only be the barangay captains. I will hold you responsible for any violation sa mga itong mga batas na hindi natutupad,” pagbabanta ng Pangulo.

Samantala, ayon naman kay Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, maaaring maging isang super spreader event ang mga naturang pagtitipon kung kayat mas mabuti na huwag na itong gawin sa gitna ng banta ng COVID-19.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *