Duterte, umapela sa LGUs na gabayan at pakainin ang mga COVID-19 vaccinee

Duterte, umapela sa LGUs na gabayan at pakainin ang mga COVID-19 vaccinee

HINIKAYAT ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga local government unit (LGUs) na gabayan nang maayos ang mga taong magpapabakuna kontra COVID-19.

Sa Talk to the People Address ni Pangulong Duterte, binanggit nito na sanay ang governors at mayors na maghakot ng mga tao lalo na kapag eleksyon.

Kaya giit ng pangulo, dapat kayang-kaya din aniya ng mga ito na dalhin o gabayan ang kanilang mga nasasakupan sa mga vaccination site para magpabakuna.

“I also appeal to all governors and mayors, dalhin ninyo ang mga constituents ninyo sa mga vaccination sites, sa mga hospitals, malls, at maging sa mga Jollibee at McDonald’s branches para mabakunahan na sila,” pahayag ni Duterte.

Matatandaang inalok ng fast-food giants na Jollibee Foods Corporation at McDonald’s Philippines ang kanilang restaurants na gawing COVID-19 vaccination sites para tulungan ang gobyerno na mapabilis ang bakunahan laban sa sakit na COVID-19.

Dagdag pa ng chief executive, maliban sa paggabay ay dapat pakainin din ng mga LGU ang mga vaccinee nang libre.

Nangako naman si Pangulong Duterte na papalitan lamang ng national government ang nagastos na pera sa pagpapakain sa mga vaccinee.

“Yun namang pupunta sa Jollibee para magpabakuna saka sa McDonald’s matapos gutumin, walang pera tapos maamoy niya yung karne diyan. I suggest, I am authorizing all governors and mayors, gumastos nalang kayo ng pera. Papalitan ko lang ‘yan balang araw, pakainin nalang ninyo sila,” ani Pangulong Duterte.

Samantala, pinasalamatan ni Pangulong Duterte ang mga pribadong sektor kasama rito ang mga pamunuan ng mall, fast food chains at private hospitals sa pakikiisa sa gobyerno para sa nakatakdang 3-day “Bayanihan Bakunahan” program o ang simultaneous vaccination drive na gagawin sa Nobyembre 29 hanggang Disyembre 1.

Target sa tatlong araw na “Bayanihan Bakunahan” program na makapagbakuna ng 15 milyong mga Pilipino sa buong bansa.

BASAHIN: 15M indibidwal target na mabakunahan sa tatlong araw na National Vaccination Day

Sa kabilang dako, suportado ni Pangulong Duterte ang restaurants, resorts, at iba pang establisimyento sa polisiya na pagre-require sa mga customer nito ng vaccination card.

“I support ‘tong mga restaurants and all na delikado sa  contamination, in public. You have my support. Huwag mo sila pakainin. Kailangan talaga lahat mabakunahan. Ang mga ayaw, they should not be allowed inside public restaurants or resorts because they are a threat to public health and the safety of the general public,” ayon pa sa Pangulo.

Nagpahayag din ng suporta ang Punong Ehekutibo sa mga employer na nagre-require sa kanilang mga empleyado na magrereport nang pisikal sa trabaho na magpabakuna muna.

Pero paglilinaw ni Pangulong Duterte, hindi ito pagpapakita ng diskriminasyon, bagkus, iniiwasan lamang ang hirap na dulot kapag nagkahawaan ng coronavirus ang mga manggagawa sa kanilang working area.

“Kung ako yung employer at hawain mo yung mga empleyado ko hanggang tuloy ang negosyo ko mahina kasi puro may sakit yung trabahante, idadamay mo ako. So ang rason diyan is hindi ako nagdi-discriminate, namimili. Kung hindi, pinoprotektahan yung negosyo ko,” saad ng Pangulo.

Sa kasalukuyan, umabot na sa mahigit 33.5 milyong mga Pilipino ang nakakuha na ng kumpletong doses ng COVID 19 vaccines.

BASAHIN: Mayorya sa nasawi sa COVID-19, hindi bakunado – DOH

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *