Duterte, pinatitiyak ang agarang distribusyon ng COVID-19 vaccines

Duterte, pinatitiyak ang agarang distribusyon ng COVID-19 vaccines

IPINAG-utos ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na tiyakin ang tama at wastong distribusyon ng COVID-19 vaccines upang maiwasan na masayang ang mga bakuna.

“We will distribute the vaccines as fast as they come to our possession. So, ganito ‘yan, napipilitan kasi ako kasi lahat naghihintay. Pero ang sabi nga nila, hindi naman — ang sabi nga ni ano noon it came in trickles. Ngayon, medyo volume-volume na. So, maghintay lang kayo because these things must be distributed immediately the fastest way that we can do it,” pahayag ni Duterte.

Inilabas ang pahayag ng Pangulo matapos iulat ni vaccine czar Carlito Galvez, Jr. na mayroong pagtaas ng demand ng mga bakuna sa mga local government unit (LGUs).

“Public acceptance ng vaccine is growing dahil kasi marami pong mga LGU ang tawag nang tawag po sa amin pati po kay Senator Bong Go na gusto nilang mag-add ng mga ano ng mga vaccine,” pahayag ni Galvez.

Ibig sabihin, ani Galvez, talagang kinakapos na ang mga LGU ng COVID-19 vaccines dahil marami nang gustong magpabakuna partikular ang mga economic frontliner at government workers.

Sinabihan naman ng Punong Ehekutibo ang mga opisyal ng LGU na siguraduhin na mayroong imprastraktura kung saan mai-preserba ang mga bakuna oras na darating ang mga ito sa bansa.

Mahalaga, ani Pangulong Duterte na maliban sa agarang distribusyon, dapat magkaroon din ng ‘proper handling’ ng mga bakuna dahil ayaw nitong matalo sa laban kontra COVID-19 bunsod ng kapabayaan.

Ito’y lalo’t may expiry date din aniya ang mga bakuna kung saan mawawala ang efficacy nito kapag hindi nagamit sa itinakdang panahon.

“Magtulung-tulungan na lang so that we would not waste the vaccines because we were not able to deliver it on time. That would be a problem kung mag-expire ‘yan dito sa kamay sa itaas at hindi kaagad napuntadoon sa baba at ang — conversely, kung ang baba naman hindi prepared,” ani Pangulong Duterte.

Kaugnay nito, iniulat ni Galvez na nasa mahigit dalawang milyon dosis ng COVID vaccines ang naiturok na.

Mayroon namang natitirang mahigit limang milyong (5,155,957) dosis sa inventory na kinakailangan na ring gamitin sa lalong madaling panahon.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *