Duterte, pinaiimbestigahan ang ‘false positive’ COVID-19 test results ng PRC

Duterte, pinaiimbestigahan ang ‘false positive’ COVID-19 test results ng PRC

IGINIIT ni Pangulong Rodrigo Duterte na dapat suriin ng Department of Health (DOH) ang sinasabing ‘false positive’ na COVID-19 test results mula sa Philippine Red Cross (PRC).

Sa lingguhang taped briefing ng pangulo, muli nitong binanatan si Senator Richard Gordon na siyang chairman ng Red Cross at ng Senate Blue Ribbon Committee na nag-iimbestiga ngayon sa umano’y mga anomalya sa mga biniling pandemic medical supplies ng pamahalaan sa Pharmally Pharmaceuticals Inc.

“I also would like to ask, are you testing — – are your testing facilities and equipment really as good as you say they are? Because I have heard of many false positive cases from your laboratories. Can you enlighten the Filipino people on this?” kuwestyon ng Pangulo.

Ayon kay Duterte, mayroon siyang impormasyon mula sa mga empleyado ng gobyerno kabilang na ang mga personnel ng ospital na false positive ang natanggap nilang RT-PCR test result mula sa mga laboratoryo ng Red Cross.

Aniya sa 49 na hospital personnel, 44 ang lumabas na positibo sa COVID-19 sa unang test nila sa PRC ngunit ng pumunta sa ibang molecular laboratory, negatibo pala ang mga ito.

Dagdag ng Pangulo, 187 sa 213 members ng Presidential Security Group ay nagpositibo rin sa virus nang magpa-test sa mga laboratoryo ng Red Cross sa Manila ngunit nang sumailalim sa isa pang test negatibo sila sa COVID-19.

Sinabi rin ni Duterte ganun din ang karanasan ng mga personnel ng Department of Finance (DOF).

Labing tatlo sa mga empleyado nito ang lumabas na positibo sa sakit noong Pebrero 10 ngunit sa confirmatory test sa loob ng isang araw, negatibo ang mga ito sa virus.

“Ang mahirap nito, Dick, is paano ‘yung mga tao na tumanggap na lang sa PCR test ninyo na positive sila, when all along negative sila but because walang pera at hindi masyadong — the meek and assertive once, pasunod-sunod na lang and had to endure a confinement of two weeks, when all along tested negative pala sila? Iyan ang problema mo sa Red Cross,” ayon kay Pangulong Duterte.

“Because of this information, then maybe the DOH must investigate this matter. You could be putting more people at risk. You could be falsely adding to the total positive cases per day of this country,” dagdag ng Pangulo.

Sa pagdinig ng Kamara nitong Lunes, sa halip na ang pag-usapan ay ang umano’y overpriced na biniling pandemic supplies, bumaling ang diskusyon ng mga mambabatas sa mga paratang na maling resulta ng COVID-19 tests ang ibinibigay ng PRC sa mga health workers.

Ayon kay Sagip Rep. Rodante Marcoleta may report na umabot sa kanyang opisina kung saan ipinakita na 44 sa 49 na health workers sa Subic ang nagpositibo sa COVID-19 matapos magpasuri sa PRC.

Kinumpirma naman ni Health Secretary Francisco Duque III na iniimbestigahan na ng DOH at ng Research Institute for Tropical Medicine o RITM ang naturang ulat.

BASAHIN: Senator Gordon, dapat palitan sa pwesto bilang Chairman ng PRC

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *