DOH ash fall
Health

DOH, pinaalalahanan ang publiko sa masamang epekto ng ash fall

Naglabas ang Department of Health o DOH ng paalala hinggil sa masamang epekto sa kalusugan ng ash fall o pag-ulan ng abo.

Sa abiso ng DOH, ang pagkakalanghap ng abo na mula sa Bulkang Taal ay posibleng makasama sa kalusugan ng tao dahil sa pagkakataglay nito ng carbon dioxide at fluorine.

Kabilang sa maaring epekto nito sa tao ay ang pangangati ng mata, ilong at lalamunan, matinding pag-ubo at hirap na paghinga, iritasyon sa balat at aksidente bunsod ng madulas na kalsada.

Pinapayuhan ang publiko na magsagawa ng precautionary measures upang maiwasan ang masamang epekto ng ash fall.

Gaya na lamang ng pag-iwas sa paglabas ng bahay at pagsara ng pintuan at mga bintana upang hindi makapasok ang abo, paggamit ng dusk mask sa ilong at bibig at paggamit ng salamin upang maprotektahan ng mata.

Inaabisuhan din ng DOH ang publiko na ilagay sa ligtas na lugar ang mga alagang hayop, linisin ang mga abo sa bubong bahay at sasakyan upang maiwasan ang pagguho at pagiging alerto at alamin ang sitwasyon sa mga kalsada bago bumiyahe.

Samantala, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque, maliban sa 20,000 facemask na naipadala ng DOH sa mga apektadong lugar ay patuloy ang kanilang emergency procurement para sa dagdag na 300,000 facemask na ipamimigay sa mga priority areas.

“Patuloy naman ang ating pakikipag-ugnayan ng emergency hotspot…ng emergency procurement for additional 300,000 na face mask o dust mask at kami’y nakikipag-ugnayan din sa mga ibang region na malalayo na mayroong sapat na dust mask na ipahiram muna, i-advance muna at tsaka namin iri-replenish,” pahayag ni Sec. Duque.

Muli naman nagpaalala si Sec. Duque sa publiko na maging mapagmatyag at agad dalhin sa pagamutan ang mga matatanda at dati ng may mga sakit na nahihirap huminga para sa proper management at para maiwasan na humantong sa malalang implikasyon na maaring makamatay.

Sapat na suplay ng face mask, pinatitiyak sa DOH

Nababahala si Pangulong Rodrigo Duterte sa idinudulot ngayong epekto sa mga naapektuhang residente ng nangyaring pagputok ng Bulkang Taal.

Hiling ng chief executive, sana’y huwag nang magtagal pa ang pag-aalboroto ng Taal Volcano sa gitna ng pag-aalala nito sa epekto sa pangkabuhayan at negosyo ng mga lugar na tinamaan ng naturang kalamidad.

Samantala, pinatitiyak naman ng Pangulong Duterte lalo na sa Health Department na mabibigyan ng kailangang face mask ang mga naapektuhang mga indibidwal ng pagbuga ng abo ng Bulkang Taal.

Sa gitna na rin ito ng ulat na nagkakaubusan na ngayon ng face mask sa ibat-ibang mga medical supply stores at kilalang mga botika.

Sa kabilang banda’y nagkausap na rin ang Commander in Chief at si Philippine Air Force Chief Lt. Gen. Nicasio Rodriguez na dito’y tiniyak naman ng opisyal sa pangulo na nakahanda ang military air asset ng pamahalaan para sa anomang maaaring maging papel nito upang maipaabot ang kailangang ayuda sa mga nabiktima ng volcanic eruption.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *