DOH, hinikayat ang publiko na huwag gumamit ng torotot sa pagdiwang ng Pasko

DOH, hinikayat ang publiko na huwag gumamit ng torotot sa pagdiwang ng Pasko

MALIBAN sa paputok at karaoke, hinihikayat din ng Department of Health (DOH) ang publiko na huwag gumamit ng torotot sa nalalapit na pagdiriwang ng Pasko at ng Bagong Taon sa gitna ng nagpapatuloy na COVID-19 pandemic.

Inabisuhan ni Health Secretary Francisco Duque III ang publiko na gumamit ng ibang alternatibong pampaingay sa halip na paputok at torotot gaya ng mga tambol at mga busina ng sasakyan.

Sinabi ni DOH Undersecretary Myrna Cabotaje na pinaiiwas ng DOH ang publiko na gumamit ng mga pampaingay na gumagamit ng bibig dahil posibleng mapasa ang coronavirus sa pamamagitan nito.

Aniya, kailangang naka-face mask pa rin at nagpapatupad ng social distancing ang mga magdiriwang ng Pasko at sasalubong sa bagong taon.

Ayon kay Sec. Duque na gumamit nalang ng alternatibong pagsasaya at pag-iingay tulad ng drums at busina ng mga sasakyan.

“Maliban sa paputok, iwasan din natin ang mga paggamit ng mga torotot at mga katulad nito upang mapigilan natin ang posibleng pagkakahawa sa COVID-19 at iba pang sakit,” payo ni Duque.

“Humanap tayo ng ibang alternatibo sa paputok gaya ng mga tambol, busina o ‘di kaya pagpalakpak,” dagdag aniya.

Hindi tulad ng mga nakalipas na taon, ipinapayo ng ahensiya na dapat nang iwasan sa ngayon ang ganitong klase ng pampaingay dahil maaaring ang coronavirus ay mailipat sa pamamagitan ng mga torotot.

Ayon naman kay DOH Usec. Myrna Cabotaje, ang mga ganitong instrumento ay posibleng maging sanhi para maisalin-salin ang laway ng gagamit nito sa iba.

“Huwag po tayong gagamit ng pampaingay na gumagamit sa bibig that will cause the transfer of saliva,” payo naman ni Cabotaje.

“So ‘yung mga pito (whistle), ‘yung mga torotot, bawal po ngayon ‘yan. Kailangan naka-mask pa rin at nagso-social distancing,” dagdag niya.

Ayon sa DOH, aabot sa 236 ang bilang ng mga biktima ng paputok noong January 2019.

Pero ayon sa ahensiya, mas mababa pa rin ng 52 percent ang mga naputukan noong 2018 kumpara sa naitalang kaso noong 2017 at 71 percent ding mas mababa sa limang taong average period.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *