Deployment ng OFWs papuntang Israel, posibleng sa Hunyo — DOLE

Deployment ng OFWs papuntang Israel, posibleng sa Hunyo — DOLE

MAAARING matatagalan pa ang deployment ng overseas Filipino workers (OFWs) sa Israel dahil patuloy pang ina-asses ng  Department of Labor and Employment (DOLE) ang sitwasyon sa naturang bansa matapos magdeklara ito at ang Palestine ng ceasefire.

Sa isang virtual presser ng DOLE, kinumpirma ni Secretary Silvestre Bello III na  maaaring aabutin pa ng dalawa hanggang tatlong linggo ang suspensyon  ng  pagpapadala ng OFWs sa Israel.

Ito ay sa kabila ng pag-anunsyo ng ceasefire sa pagitan ng Israel at Palestine matapos ang labing isang araw na palitan ng putok.

Matatandaang inanunsyo ng kalihim ang suspensyon ng deployment ng OFWs sa Israel kasabay ng mainit na tensyon sa nasabing bansa.

Ayon sa kalihim, sa inilabas na alert level status ng Department of Foreign Affairs (DFA) nanatili sa Alert Level-2 ang sitwasyon sa Gaza, ibig sabihin pinaghahandaan ang posibleng evacuation at pagkakaroon ng travel ban sa mga Filipino.

Habang nasa Alert Level-1 status naman ang sitwasyon ng mga Filipino sa Israel kung saan  pinag-iingat ang mga kababayan natin doon at pinaiiwas sa mga conflict zone at hindi naman kailangan ng evacuation.

Samantala aminado naman si Bello na dahil sa mataas na demand ay nakukulangan na rin ng nurses ang Pilipinas.

Dahil dito malabong mabigyan ng exemption ang Germany sa request nito para sa limitasyon ng mga nurses sa naturang bansa.

Sa kasalukuyan ay humihinigi ng 15,000 nurses ang Germany mula sa Pilipinas.

Una nang binigyan ng pamahalaan ng exemption sa 5000 deployment limit ng mga healthcare workers ang United Kingdom.

Pero ayon kay Bello, sa ngayon wala pang planong itaas ng pamahalaan ang limitasyon ng deployment ng mga healthcare workers.

Sa ngayon nasa 3,000 nurses na ang na-deploy ng pamahalaan sa labas ng Pilipinas.

(BASAHIN: Suspensyon ng pagpapadala ng OFWs sa Israel, suportado ng Malacañang)

SMNI NEWS