zones of peace
National

DepEd, nanindigan sa pagiging zones of peace

SA gitna ng usapin kaugnay sa malawakang recruitment ng mga komunistang grupo sa ibat-ibang paaralan at unibersidad sa bansa, patuloy ang paninindigan ng Department of Education o DepEd sa kanilang mandato na maging zones of peace ang mga paaralan nito.

Sa ilalim kasi ng DepEd Department Order No. 44 series of 2005, hinikayat ang lahat ng mga pampublikong paaralan sa bansa na sundin ang iniuutos ng batas o Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act kung saan ipinagbabawal sa mga paaralan ang pakikiapid at huwag hayaan na gamitin ang mga pasilidad nito sa usapin ng kaguluhan.

Matatandaang, nagbigay ng pahayag si Senator Ronald Bato dela Rosa sa kagustuhan nitong magpasa ng batas na mag-oobliga sa lahat ng mga paaralan at unibersidad sa bansa na pumasok ang kinatawan ng PNP at Armed Forces of the Philippines sa mga eskwelahan dahil sa patuloy na recruitment activity na ginagawa ng mga rebeldeng grupo.

Ani Dela Rosa, alanganin ang mga otoridad na pumasok sa mga paaralan dahil sa paniniwalang nalalabag nito ang tinatawag na academic freedom ng mga kabataang nag-aaral.

Pero aniya hindi hamak na mas magandang bigyan ng karapatan ang mga pulis at militar na protektahan ang mga kabataan mula sa mga masasamang grupo.

Nitong nakaraang araw lang ay emosyonal na humarap ang ilang mga kaanak ng mga nawawalang estudyante na pinaniniwalaang umanib sa mga makakaliwang grupo para kalabanin ang gobyerno.

Samantala, hangga’t wala pang lumalabas na bagong batas na magpapahintulot sa mga otoridad na makapasok sa mga paaralan sa bansa, patuloy ang pagpapatupad ng DepEd sa kanilang dept. order.

POL MONTIBON

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *