GCTA Law
National

De Lima at ex-DILG Sec. Roxas, may pananagutang magpaliwanag sa GCTA Law mess

INAMIN ni Pangulong Rodrigo Duterte na maituturing na sugal ang kaniyang kautusan na ipaaresto muli ang halos nasa 2,000 convicts na pinalaya sa ilalim ng ipinatupad na Good Conduct Time Allowance o GCTA Law.

Paliwanag ni Pangulong Duterte na kailangan gawin nito ang utos bunsod ng kontrobersiyang nilikha ng pagpapatupad ng GCTA Law na pinahintulutan din sa mapabilang sa beneficiary nito ang paglaya ng mga na-convict sa heinous crimes o karumal-dumal na krimen.

Sabi ng pangulo, subject sa magkaibang interpretasyon ang GCTA Law partikular na sa bahagi ng Section 1 at Section 3 ng RA 10592 kaya’t sang- ayon aniya siya sa pahayag ni DOJ Secretary Menardo Guevarra na tanging Korte Suprema ang makapagbibigay linaw sa iba’t- ibang interpretasyon ng batas hinggil sa GCTA.

Kaya para kay Pangulong Duterte dapat may pananagutan magpaliwanag sina Senador Leila de Lima at dating Interior Secretary Mar Roxas kung bakit hindi malinaw sa ginawa nitong Implementing Rules and Regulation (IRR) ng RA 10592.

Una nang nagpahayag si Ombudsman Samuel Martires na dapat magpaliwang sina Sen. De Lima at dating Interior Sec. Roxas kaugnay sa binuo nitong IRR na nagdulot ng kontrobersiya sa pagpapatuad ng GCTA Law.

Duda sa paghingi ng paliwanag sa IRR ng GCTA

Masama ang kutob ni dating Justice Secretary at ngayo’y Senador Leila de Lima sa tunay na motibo ng Ombudsman sa paghingi sa kanya ng paliwanag kaugnay sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Good Conduct Time Allowance o GCTA Law.

Kahapon nang inilabas ng Ombudsman ang kanilang liham kung saan binibigyan si De Lima at dating Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas ng tatlong araw para magpaliwanag.

Sa isang pahayag mula sa kanyang detention cell, sinabi ni De Lima na nakasaad sa liham na ipinadala sa kanya na nagsasagawa ang Ombudsman ng fact-finding investigation ukol sa mga iregularidad sa pagpatutupad ng GCTA Law.

Dahil dito, kinuwesyon ng senadora ang Ombudsman kung tinatrato ba siya na resource person, respondent, o probable respondent sa naturang usapin.

Nagpahayag din ng pangamba ang nakadetineng senadora na ang naturang hakbang ng Ombudsman ay isang set-up sa kanya at kay Roxas ang naturang para sila ang madiin sa Sanchez-Faeldon scandal kung saan wala aniya silang kinalaman.

Sinabi ni De Lima na kokonsultahin muna niya ang kanyang mga abogado bago ibigay ang paliwanag na hinihingi ng Ombudsman.

HANNAH SANCHO

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *