Dating NBI Chief Dante Gierran, itinalagang bagong PhilHealth president

Dating NBI Chief Dante Gierran, itinalagang bagong PhilHealth president

ITINALAGA ni Pangulong Rodrigo Duterte si dating National Bureau of Investigation (NBI) Director Dante Gierran bilang bagong pinuno ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth.

Si Gierran ang bagong presidente at chief executive officer sa state insurer matapos ang pagbibitiw ni retired General Ricardo Morales dahil sa isyu ng health condition, at dahil sa leave of absence ng top officials ng ahensya bunsod ng mga alegasyon ng korupsiyon.

Isang certified public accountant si Gierran at ang unang NBI director na itinalaga ni Pangulong Duterte matapos siyang manalo noong 2016 presidential elections.

Bumaba  sa pwesto si Gierran bilang NBI director nitong Pebrero para sa kanyang mandatory retirement.

Una nang inamin ng Palasyo na isang malaking hamon kay Pangulong Duterte ang pagpili ng magiging bagong mamumuno sa korporasyon dahil sa napakaraming kwalipikasyon na inaasahan para sa naturang posisyon.

PhilHealth Senior Manager Rogelio Pocallan, nakalabas na matapos ipa-contempt sa Kamara

Samantala, kinumpirma ni Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor na nakalabas na sa bakuran ng House of Representatives si PhilHealth Internal Legal Affairs Department Senior Manager Rogelio Pocallan.

Ayon kay Defensor, pinalaya si Atty. Pocallan mula mahigit tatlong araw na pagkakadetine sa loob ng Batasang Pambansa.

Magugunita na pina-contempt si Pocallan ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga Jr. matapos igiit nitong huli na ang PhilHealth bilang isang quasi judicial body ay otorisadong baliktarin ang isang judicial decision.

Nag-ugat ito nang baliin ng PhilHealth ang desisyon nito na patawan ng 3-month suspension ang Our Lady of Perpetual Succor Hospital na pinagtibay ng Court of Appeals o CA sa halip ay nagpasa ang state insurance company ng memorandum para pagbayarin na lamang ng multa ang nasabing ospital sa halip na suspendehin.

Sa PhilHealth hearing noong nakaraang linggo, nanindigan si Atty. Pocallan na legally justified ang hakbang PhilHealth kahit na ‘final and executory’ ang desisyon ng CA sa suspension order laban sa perpetual succor.

SMNI NEWS

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *