DAR, magkakaloob ng negosyong pang-agrikultura sa mga magsasaka sa Negros Oriental

DAR, magkakaloob ng negosyong pang-agrikultura sa mga magsasaka sa Negros Oriental

MAGKAKALOOB ang Department of Agrarian Reform (DAR) ng mga negosyong pang-agrikultura sa mga magsasaka ng Negros Oriental na  apektado ng pananalasa ng Bagyong Odette.

Binisita kamakailan ni DAR Secretary Bernie Cruz ang Sycip Plantation Farmworkers Agrarian Reform Cooperative sa Barangay San Jose, Manjuyod, Negros Oriental.

Ito ay upang alamin ang mga pinsalang iniwan ng Bagyong Odette noong nakaraang Disyembre 2021 at magsagawa ng mga planong gagawin upang muling buhayin ang negosyong pang-agrikultura ng nasabing kooperatiba.

Ang nasabing kooperatiba ay may 312 agrarian reform beneficiaries at may kabuuang sukat ng produksyon na 544.17 ektarya.

Ilan sa negosyong pang-agrikultura ipagkakaloob ay ang produksyon ng tubo, mangga, hipon, bangus, cacao at muscovado processing at credit financing.

Nagsagawa naman ng pagpupulong ang  kalihim kasama sa ang opisyal upang alamin ang kanilang pangunahing pangangailangan para sa rehabilitasyon ng kanilang kooperatiba.

Kabilang kasi sa mga nasalanta ng Bagyong Odette ay ang kanilang mga pananim at istraktura.

“Buo ang kooperasyon sa DAR ng lokal na opisyal sa inyong lalawigan. Ibibigay namin ang suportang inyong hinihingi upang kayo’y makabangon muli at maibalik ang inyong malakas at kumikitang negosyo na nasira ng bagyo,” pahayag ni Cruz.

DAR, namahagi ng mga relief goods sa Negros Oriental

Kasunod nito, dumiretso rin ang kalihim sa  Canlaon City upang mamigay ng relief goods sa mga Agrarian Reform Beneficiaries (ARB) habang nagsagawa rin ito ng pagpupulong upang alamin ang  problema na dulot ng bagyo upang muling buhayin ang produktibong lupa ng mga magsasaka.

Pinuntahan naman ng ahensya ang mga magsasaka ng Bais City at bayan ng Mabinay kung saan nakatanggap din ang mga ito ng relief goods.

Inatasan ni Pangulong  Rodrigo Duterte si Cruz na tingnan ang kapakanan ng mga magsasaka.

At gamitin ang mga resources ng ahensya upang matulungan ang mga ito dahil sa bagyo.

Maliban sa mga relief good, nagkaloob din ng mga farm machineries, farm inputs, credit assistance at trainings upang masiguro ang kabuhayan sa mga komunidad.

Bago pa rito, inatasan ni Cruz ang mga DAR field officials na bigyang prayoridad at bilisan ang pagsakop at pamamahagi ng mga nakatiwangwang na government-owned lands at pribadong lupang agrikultural, kung saan kailangan matapos ang pamamahagi nito sa unang semestre ng 2022.

“Susundin namin ang utos ng Pangulo, bibilisan namin ang pamamahagi ng lupang agrikultural at uunahin ang mga naging biktima ng nakaraang bagyo,” ani Cruz.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter