bayan sa Isabela
Regional

Dalawang bayan sa Isabela, nakapagtala na ng kaso ng ASF

DALAWANG bayan na sa lalawigan ng Isabela ang nakapagtala ng kaso sa African Swine Fever (ASF).

Ito ang kinumpirma ng Regional Director Narciso Edillo ng Department of Agriculture (DA) Region 2 matapos magpositibo sa ASF ang blood samples na sinuri ng Bureau of Animal Industry (BAI) sa mga baboy na inaalagaan ng ilang backyard hog raisers sa bayan ng Mallig at Quirino, sa nasabing lalawigan.

Ayon kay Edillo, posibleng sa Kalinga galing ang karne ng baboy na nakahawa sa mga alagang baboy sa bayan ng Mallig, Isabela kaya’t mahigpit nilang tinututukan ang mga lugar na apektado ng ASF kabilang ang nasa boundary ng Ifugao at Benguet.

Samantala, hinihintay pa ang resulta ng pagsusuri sa dahilan ng pagkakasakit at pagkamatay ng ilang mga alagang baboy sa Barangay Payac sa bayan ng Jones, Isabela na pinangangambahan ng ilan na ito ay dahil sa African Swine Fever.

Ngunit iginiit ni Municipal Agriculturist Florante Leano Jr. na hindi pa nila kailangang magpatupad ng lockdown sa nasabing barangay dahil ginagawan na aniya ng paraan ng lokal na pamahalaan ang pagdami nang mga nagkakasakit na baboy.

Matatandaan na mahigpit nang nagpatupad ang DA Region 2 ng checkpoint sa lahat ng entry point sa Cagayan Valley upang mapigilan ang posibleng pagpasok ng ASF sa rehiyon.

LORENA CAPARROS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *