DA Sec. William Dar hindi kailangang bumaba sa pwesto ––Sen. Marcos

DA Sec. William Dar hindi kailangang bumaba sa pwesto ––Sen. Marcos

NANINIWALA si Senator Imee Marcos na hindi na kailangang bumaba sa pwesto si Department of Agriculture (DA) Secretary William Dar bilang kalihim ng kagawaran.

Ito ay sa kabila ng kaliwa’t kanang iregularidad at anomalya na nangyayari umano sa loob ng ahensya pagdating sa importasyon ng mga agricultural at meat products.

Ayon kay Marcos, ang sistema sa loob ng ahensya ang dapat i-overhaul.

Paliwanag ng senador mula sa inspeksyon kasama ang Bureau of Customs (BOC) at pamamalakad ng DA sa importation ay dapat maitama.

Ani Sen. Marcos,”Yung sistema talaga bulok, yung mga whistleblower, yong pinakita ng mga customs at iba pa lumang tugtugin na yan, yan pa rin ang umiiral sa customs at DA, bulok na bulok na yang sistema na yan eh, pwede ng buwagin na yan.”

Matatandaan naman sa expose ni Sen. Panfilo ‘Ping’ Lacson sa Senate Hearing na nasa mahigit ₱1-B ang average na nawawala kada taon sa bansa mula 2015-2020 dahil sa misdeclaration, un-declaration, at smuggling sa importasyon ng isda at iba pang produktong dagat at produktong karne.

Sinasabi namang nasa ₱14-B ang mawawala sa gobyerno kung tuluyang maibaba ang taripa para sa pork imports at lalawakan ang MAV ayon kay Sen. Marcos.

“Hindi na natin sinasabi na huwag mag-import totally pero ang iimportin lang yung kulang huwag naman yung kabuuan ng kinakain na baboy sa buong Pilipinas,” dagdag pa ng senador.

Matatandaan na maliban sa 54 metric tons, ay inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang 350 metric tons bilang MAV sa aangkating baboy ngayong taon.

Sinabi naman ni Sec. Dar na kasalukuyan na silang nag-issue ng importation permit alinsunod sa Executive 128 at ipatutupad ang naturang kautusan sa loob ng isang taon.

Samantala, batay sa pagtataya ng National Economic Development Authority (NEDA), bababa sa ₱215 hanggang ₱222 ang presyo ng kilo ng baboy sa pagbaba ng taripa alinsunod sa nasabing kautusan.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *