DA Region 2, nagbukas na rin ng community pantry

BINUKSANG community pantry ng Department of Agriculture (DA Region 2), tulong hindi lamang sa mga residente na apektado ng pinaigting na community quarantine sa Cagayan, kundi maging sa mga magsasaka para maibenta ang kanilang mga produkto.

Hindi lang ibat-ibang organisasyon dito sa Lambak Cagayan ang nakikiisa sa pagtatayo ng community pantry, dahil mismong ang tanggapan ng Department of Agriculture Regional Field Office 2 ay naglunsad narin ng community pantry para tulungan ang mga magsasaka.

Nagbukas narin ng community pantry ang DA Region 2 sa pangunguna ni Regional Director Narciso Edillo at ng Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) at Kadiwa ni Ani at Kita na isinagawa sa San Gabriel, Tuguegarao City.

Tinatayang aabot sa mahigit 100 residente ng nabanggit na barangay ang nakakuha nang iba’t-ibang klase ng gulay, bigas, poultry products at mga grocery items.

Ayon kay DA Regional Director Narciso Edillo, nagmula ang naturang suplay na mga donasyon mula sa mga kooperatiba, asosasyon at mga magsasaka ng bayan ng Peñablanca at Solana sa Cagayan at Roxas sa lalawigan ng Isabela.

Kasabay nito, hinikayat ni Director Edillo ang mga Local Government Units, private sector at indibidwal na makiisa sa kanilang inilunsad na community pantry sa pamamagitan ng pagbili sa ani ng mga magsasaka para matulungan ang mga ito sa pagbebenta ng kanilang produkto.

“Sa ganitong paraan ay matulungan pa natin sila sa pagbebenta ng kanilang produkto.”

Inatasan narin ni Edillo ang DA Provincial Offices sa kanilang mga nasasakupan na kausapin ang mga magsasaka na kung sobra-sobra naman ang kanilang produksyon ng gulay ay maaari nila itong i-donate.

Ito na ang ikalawang bugso ng community pantry ng DA na unang isinagawa sa barangay Lingu, Solana, Cagayan na layuning matulungan ang mga residente na naapektuhan ng mas pinahigpit na community quarantine dahil sa patuloy na tumataas na kaso ng COVID-19 sa Rehiyon.

(BASAHIN: P30-M, inilaang pondo para sa pagtatanim ng bamboo sa Cagayan River Banks)

SMNI NEWS