COVID-19 Task Force, nilinaw na mananatili ang home quarantine protocol

COVID-19 Task Force, nilinaw na mananatili ang home quarantine protocol

BINIGYANG-linaw ng National Task Force (NTF) COVID-19 na papayagan pa rin ang home quarantine protocol para sa mga pasyente ng COVID-19 na asymptomatic o mild cases.

Giit ni National Task Force (NTF) COVID-19 spokesperson Brig. Gen. Restituto Padilla, puwede pa rin ang home quarantine protocol hangga’t hindi naaabot ng Pilipinas ang “ideal conditions” sa pandemya.

Paliwanag ni Padilla, ang sinasabi nilang ideal conditions, ay tulad ng kailangang may sapat na bilang ng isolation at quarantine facilities.

Karamihan aniya sa mga kababayang Pilipino ay nasa mga lugar o tirahan na talagang hindi kaya mag-isolate.

Giit ni Padilla, papayagang mag-isolate ang mga pasyente na tinamaan ng coronavirus sa kani-kanilang bahay kapag mayroon silang sariling banyo at kwarto.

Kung kaya, pwede pa ring payagan ang home quarantine basta naroroon ‘yung kondisyon na nabanggit.

Gayunman, inihayag ni Padilla na darating ‘yung panahon na, kung saka-sakali, na makapag-set ng isolation facilities sa lahat ng local government units na sapat sa bilang ng nagkakaroon ng sakit ay talagang maipatutupad na itong no home quarantine policy.

Pero sa ngayon, hindi pa aniya ito nararating ng mga LGUs.

Una rito, naglabas ng pahayag ang Department of Interior and Local Government (DILG) na balak nitong ipagbawal na ang home quarantine upang maiwasan ang transmission o hawahan ng virus sa mga tahanan.

Sinabi ni DILG Secretary Eduardo Año na importanteng mailabas ng bahay ang mga taong dinapuan ng COVID-19 upang hindi na nila maihawa ng sakit ang kanilang pamilya.

Sa ngayon ani Año, tinatalakay na ang naturang pamamaraan, na may layong ipatupad ngayong linggong ito.

Nilinaw naman ni Secretary Año na bago ito tuluyang maipatupad ay kailangan munang maaprubahan ito ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *