COVID-19 sa Pilipinas, maaari nang ideklarang ‘controlled’ – NTF Adviser

COVID-19 sa Pilipinas, maaari nang ideklarang ‘controlled’ – NTF Adviser

MAAARI nang ideklarang ‘controlled’ na ng Pilipinas ang pagkalat ng COVID-19 ayon sa adviser ng National Task Force Against COVID-19.

Ito ang pananaw ni National Task Force (NTF) Against COVID-19 Special Adviser Dr. Ted Herbosa matapos ang magdadalawang linggo na mababa sa 5% ang positivity rate ng Pilipinas.

Paliwanag ni Herbosa na ang basehan dito ay yung incubation period o iyong life cycle ng virus na 2 linggo.

Dagdag pa nito, sa ngayon nananatili sa 2.8% ang positivity rate ng bansa.

Pero giit ni Herbosa na hindi ibig sabihin nito na tuluyan nang nawala ang COVID-19 at posible pa ring magkaroon surge.

“Pero, that doesn’t mean eliminated ang COVID. Dapat—puwede pa rin siyang mag-resurgence dahil nandoon pa rin sa test positivity rate na above zero. Pag nag-zero iyan, iyan ang eliminated,” pahayag ni Herbosa.

Sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na kokonsultahin ng Department of Health (DOH) ang World Health Organization (WHO) upang malaman kung pwede nang ideklara na kontrolado na ang sitwasyon ng COVID-19 sa Pilipinas

Sa kabila ng dalawang linggo na mas mababa sa 5 percent ang positivity rate, iminumungkahi pa rin ni Duque sa publiko ang pagsusuot ng face shields.

Base sa rekomendasyon ng WHO kapag ang positivity rate ay 5% o higit pa rin maituturing itong continued transmission pero sa kaso ng Pilipinas na magdadalawang Linggo na ay mababa pa rin sa 5% ang positivity rate ay maaari na itong sabihing controlled dahil wala ng masyadong bagong kaso ng COVID-19.

Habang kapag mag-dadalawang linggo na, na 0 cases ay maaari naman ng ideklara bilang COVID free ang isang lugar.

Samantala, nakapagtala lamang ang DOH kahapon ng 890 na bagong kaso ng COVID-19.

Sa ngayon, tuloy tuloy ang pagbabakuna ng mga lokal na pamahalaan laban sa COVID-19.

Nitong linggo lamang nagsimula nang magturok ng booster shots sa mga healthcare workers, senior citizen at mga immunocompromised.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *