Chiz sa DOH: Gawing mura kundi man libre ang COVID tests

Chiz sa DOH: Gawing mura kundi man libre ang COVID tests

ITINUTULAK ni Sorsogon Governor Chiz Escudero sa Department of Health (DOH) na gawing malawakan at mas abot-kaya, kundi man libre na, ang coronavirus testing, sa gitna ng biglaang pagdami ng mga impeksiyon ng COVID-19 upang mahiyakat ang mga mamamayan na magpa-test na isang mabisang paraan upang makontrol ang pagkalat ng sakit.

Sinabi ni Escudero na umiiwas na lamang ang maraming Pilipino na ipa-test ang kanilang mga sarili dahil na rin sa mataas na presyo ng tests mismong ang DOH pa ang nagtakda kung saan umaabot ng hanggang P960 ang presyo ng antigen tests habang P2,800 naman ang Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) tests sa mga laboratoryo ng gobyerno at P3,360 sa pribado.

“The government should make RT-PCR testing accessible, readily available and most of all, free to encourage people to get tested,” ani Escudero.

“Masyadong mahal para sa mga ordinaryong Pilipino ang presyo ng bawat antigen or RT-PCR test kung sila mismo ang gagastos kaya dapat sana ay magawan ito ng paraan ng ating pamahalaan na maging libre na sa lahat ng COVID tests,”dagdag nito.

“Magdadalawang taon na tayong nasa pandemya. Marahil ay ito na ang pagkataon na ipagkaloob na natin sa mga mamamayan ang pinakabatayan na armas, subalit napakaimportanteng sandata, upang malabanan ang virus, eh, nakautang naman ang gobyerno ng trilyong piso para masugpo itong health crisis,” ayon sa beteranong senador na kumakandidato para sa bagong mandato sa Senado sa May 2022 national elections.

Ayon sa opisyal na numero mula sa Department of Finance, nasa P1.15 trilyon na ang nauutang ng gobyerno hanggang noong Disyembre 2021 para sa giyera laban sa pandemya.

Sinabi ng dating senador na dapat maglaan ang DOH ng mas malaking pondo para sa pagbili ng COVID testing kits at bilang pangtustos sa gastos sa laboratoryo.

“Hindi naman makakaya ng bawat local government unit, lalo na iyong mga maliliit at mahihirap, na sagutin ang antigen o PCR tests. Kailangan ng suporta ng pamahalaang nasyonal upang ito ay matustusan,” paliwanag ni Escudero.

SMNI NEWS