CHED Bulkang Taal
National

CHED, magbigay financial assistance sa mga apektadong estudyante ng pagsabog ng Bulkang Taal

KINUMPIRMA ng pamunuan ng Commission on Higher Education o CHED ang kahandaan ng kanilang komisyon na mag-alok ng tulong sa mga estudyante ng mga apektadong kolehiyo sa Batangas at Cavite matapos ang pag-alburuto ng Bulkang Taal.

Itoy sa ilalim ng post calamity assistance ng komisyon kung saan bibigyan ng sapat na pondo ang mga estudyante na nawalan ng hanapbuhay ang kanilang pamilya dahil sa nasabing kalamidad.

Bunga ito ng pag-uusap ng miyembro ng komisyon para agad maibalik sa normal ang naunsiyaming pag-aaral ng mga estudyante.

Batay sa datos ng CHED, umabot sa 32 na kolehiyo sa Batangas ang naapektuhan ng pagsabog ng Bulkang Taal habang 4 naman sa Cavite katumbas ito ng 32, 000 estudyante kasama na dito ang senior high school, TESDA at mga nakikinabang sa Unifast program na pinopondohan din ng gobyerno.

Narito din ang listahan ng mga apektadong HEIs:

Taal (1) minor damages on buildings

Agoncillo (1) facility severely affected

Lemery (2) facilities severely affected

Tanauan (9) facilities severely affected

Samantala, bahagi din ng pag-aaral ng komisyon ang posibilidad na magbaba na ito ng memorandum sa lahat ng kolehiyo sa bansa para tanggapin ang mga transferee mula Batangas at Cavite kung sakaling tumagal ang epekto ng kalamidad hanggang dalawang buwan mula nang pumutok ang Bulkang Taal.

Kung magkagayon, nakikiusap din ang CHED sa mga eskwelahan mula kolehiyo, high school, TESDA at Unifast Program na bigyan ng kaukulang atensiyon ang mga estudyante gaya ng special exam o project, tutorial.

Maging ang stress debriefing o post traumatic programs ay hinikayat din na ipagkaloob ng mga non-affected higher education institutions sa mga estudyanteng biktima ng kalamidad.

Hindi rin dapat na maging istrikto ang alinmang eskwelahan na tanggapin ang mga apektadong estudyante sakaling kulang ang mga ito ng dokumento o papeles.

Paglilinaw ng CHED, epektibo agad ang mga nabanggit na regulasyon na kailangan ipatupad ng mga non affected HEIs sa lahat ng nasasakupan ng komisyon

Dahil sa nasabing kalamidad, posibleng maiusog ang graduation ceremonies ng mga affected schools mula sa nakasanayang Mayo o Abril ay maaring maitakda ito sa buwan ng Hunyo o Hulyo bunsod ng ekstensiyon sa mga araw na nawala sa mga estudyante dahil sa epekto ng pag-alburuto ng Bulkang Taal.

POL MONTIBON

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *