Ceremonial vaccination para sa A4 priority group, isasagawa ngayong araw

Ceremonial vaccination para sa A4 priority group, isasagawa ngayong araw

ISASAGAWA ang commitment ceremony at ceremonial vaccination para sa mga indibidwal na nabibilang sa A4 category group na gaganapin sa Mall of Asia sa Pasay City ngayong araw.

Inaasahang dadalo sa naturang event sina vaccine czar Carlito Galvez Jr., testing czar Vince Dizon, Health Secretary Francisco Duque III, presidential spokesman Harry Roque Jr. at ilan pang opisyal.

Ayon kay Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion, pangungunahan nito kasama si Metropolitan Manila Development Authority chairman Benhur Abalos ang simultaneous signing ng Pledge of Commitment ng mga local chief executive ng NCR Plus 8 at ng mga representante ng pribadong sektor.

Ito ay para sa isang mabilis at episyenteng rollout ng mass vaccination program para sa A4 groups sa kani-kanilang lokalidad.

Kaugnay nito, sinabi ni Concepcion na aasahan ang aniya’y “merrier” Christmas ngayong taon sa gitna ng pag-uumpisa ng COVID-19 vaccination sa essential workers.

Kabilang sa A4 group na sisimulang bakunahan ngayong araw, ay ang frontline personnel sa essential sectors kasama ang nasa government, private sector, at uniformed personnel.

Sa harap ng pagpapalawak pa ng vaccination program sa economic frontliners, inaasahan na mas marami pang negosyo, industriya at economic activity ang mabubuksan.

Bukod dito, aasahan ding marami nang magbabalik sa kanilang trabaho kasabay ng pagsiglang muli ng ekonomiya ng bansa.

Target ng pamahalaan na makamit ang herd immunity sa Metro Manila at kalapit na lalawigan na may mataas na kaso ng coronavirus.

Ang target na mabakunahan ang 70% ng populasyon ay maituturing na pinaka ‘ideal’.

Gayunman, ani Concepcion, kahit makuha lamang ang 50%, ay nakikita nila ang malaking posibilidad ng mas malawak na pagbubukas ng business activity kasama na ang pagpapataas ng kumpyansa ng mamamayan.

Sa Hulyo at Agosto, 1.17 million doses ng AstraZeneca ang inaasahang darating sa bansa para sa private sector at local government units.

Mababatid na nitong Linggo, dumating ang nasa isang milyong doses ng sinovac vaccines.

Inaasahan namang makatatanggap pa ng milyun-milyong COVID 19 vaccines ang Pilipinas pagsapit ng ikatlong kwarter ng taon.

(BASAHIN: Essential workers sa Mandaluyong City, babakunahan vs COVID-19 ngayong araw)

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *