Ceremonial switch on ng traffic light sa Dario Bridge sa QC, pinangunahan ng MMDA

Ceremonial switch on ng traffic light sa Dario Bridge sa QC, pinangunahan ng MMDA

NAGSAGAWA ng ceremonial switch on ng  traffic light sa u-turn slot sa may Dario Bridge sa Quezon City  ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at ang Quezon City Government kaninang umaga.

Layon ng ipinatayong traffic light na maisaayos ang pagmamando ng trapiko sa naturang U-Turn slot patungong northbound at southbound.

Mula nang binuksan ang U-Turn Slot sa may Dario Bridge sa may Quezon City, mga traffic enforcers ng MMDA ang nagkokontrol ng daloy ng trapiko sa u-turn slot.

Pero ngayon ay nagagamit na ng mga motorista ang ipinatayong traffic lights sa U-Turn slot Dario Bridge matapos nagsagawa ng ceremonial switch on na pinangunahan ni MMDA Chairman Benhur Abalos at Quezon City Mayor Joy Belmonte.

Una nang ipinasara ng MMDA ang nasabing U-turn section sa naturang lugar.

Sa pamamagitan ng traffic light, mas maisasaayos nito ang daloy ng mga sasakyan lalo na’t napuputol ang biyahe ng EDSA Bus Carousel kapag dumadaan ang mga sasakyang lumiliko sa Dario Bridge.

Sabi ni MMDA Chairman Benhur Abalos, malaki ang maitutulong ng traffic light sa mga motoristang dadaan sa lugar lalo’t dumadami na ang mga sasakyan ngayong papalapit na ang holiday season at wala ng curfew hour.

Sinabi rin ni Abalos na layong nitong maisaayos ang pagmamando ng trapiko sa naturang U-Turn slot patungong northbound at southbound para maiwasan ang aksidente sa busway sa loob ng 24 oras.

Noon kasi na wala pang traffic light aniya ay sinasara ang Uturn Slot pagdating ng 12:00 ng madaling araw.

Dalawang stoplights ang ini-install sa may northbound at southbound lanes at mayroon ding stoplight para sa mga bus na dumadaan sa EDSA Busway.

Matatandaang binuksan ang mga u-turn slot sa mga motorista dahil sa sumisikip na daloy ng trapiko sa kahabaan ng EDSA kung saan bumabalik na ang maraming sasakyan sa mga kalsada matapos na lumawag ang quarantine restriction sa  National Capital Region (NCR).

SMNI NEWS