campaign rules for materials
Metro

Campaign materials ng ilang senatoriables, nasampolan ng Oplan Baklas

Sinampolan ng taks force Oplan Baklas ang campaign materials ng ilang mga senatoriable sa unang araw ng kanilang pagbabaklas.

Unang sinuyod ang kahabaan ng EDSA-Pasay at Roxas Blvd. corner Vito Cruz.

Matapos nito, nagtungo ang grupo sa San Andres, Manila kung saan maraming nakitang paglabag ang task force.

Gumamit ng crane ang Oplan Baklas para tanggalin ang poster ni dating Senadora Pia Cayetano na nakasabit sa kawad ng kuryente.

Gumamit rin sila ng hagdanan para baklasin ang poster ni dating Senador Bong Revilla na nakasabit rin sa kawad ng kuryente.

Binaklas rin ang mga tarpaulin at posters na nakalagay sa gusaling pag-aari ng gobyerno gaya ng mga waiting sheds at barangay hall.

Tumulong naman sa operasyon ng Oplan Baklas sina PNP Chief Oscar Albayalde, NCRPO Chief Guillermo Eleazar, MMDA Chairman Danny Lim, at LTFRB Chairman Martin Delgra.

Hindi lamang illegal placed at size campaign materials ang kanilang tutukan kundi pati na rin ang mga naglalakihang billboard ng mga national candidates.

Nilinaw ng COMELEC na binigyan na ng sapat na panahon ang mga kandidato para ipatanggal ang kanilang mga campaign paraphernalia at napadalhan na ng notice ang mga ito kaya wala na silang tatanggapin pang rason.

Araw-araw nang gagawin ito ng Oplan Baklas hanggang sa mismong araw ng eleksyon.

Muling magsasagawa ang task force ng malaking operasyon sa kick-off naman ng campaign ng local candidates ngayong March 29.

Ulat ni Mj Mondejar

 

 

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *