Buong bansa, nasa Alert Level 2 simula ngayong araw — Malakanyang

Buong bansa, nasa Alert Level 2 simula ngayong araw — Malakanyang

INANUNSYO ng Malakanyang na mayroong latest development patungkol sa alert level system sa bansa na inaprubahan ng Inter Agency Task Force.

Nagpulong kahapon ang Inter-Agency Task Force at mayroong inaprubahan na mga resolusyon at isa na nga rito ang patungkol sa alert level system sa bansa.

Una, inaprubahan ng IATF ang pagbaba ng alert level ng probinsiya ng Apayao mula Alert Level 3 sa Alert Level 2 simula ngayong araw, Disyembre 3 hanggang  Disyembre 15, 2021.

Ito ay matapos amyendahan ng IATF ang metrics ng alert level classifications ng mga probinsya, highly urbanized cities at independent component cities.

“This latest development means that as of today, no province or city is under Alert Level 3. Nasa ilalim na po ng Alert Level 2 ang buong bansa. Sana po tuluy-tuloy ito para maging tunay na maligaya ang Pasko para sa ating mga kababayan,” pahayag ni Nograles.

Sa ilalim ng naturang bagong criteria, tinanggal na bilang metric ang one-week growth rate ng COVID-19 cases para sa pag-escalate mula Alert Level 1 papuntang Alert Level 2.

Bagkus, ang mga lugar ay isasailalim sa mas istriktong alert level kung ang isa sa metric gaya ng case classification o kaya’y ang total COVID-19 bed utilization ay tumaas sa moderate o higher risk.

Ipinaliwanag naman ito ni Dr. Alethea de Guzman, direktor ng Epidemiology Bureau ng Department of Health.

“For areas to further deescalate to Alert Level 1, they need to meet certain vaccination coverage as well as safety seal coverage for them to be deescalated,” ayon kay De Guzman.

Samantalang ang mga lugar na nasa Alert Level 2, ay ma-e-escalate sa Alert Level 3 kung ang parehong case classification at total COVID-19 bed utilization ay nasa moderate risk, o kapag ang case classification ay nasa ‘high to critical risk.’

“Once umabot tayo ng Alert Level 3, dalawang senaryo po iyan ano. Una, kinakailangang ang case classification ng province, HUC or ICC, ay nasa moderate risk na at sinasabayan na rin po ng 50% and above na utilization rate ng ating total COVID-19. Inaakyat na rin natin ang mga lugar to Alert Level 3 basta po umabot ng high or critical risk case classification,” ayon kay De Guzman.

Active case finding at healthcare system capacity sa bansa, mas palalakasin

Sa kabilang dako, inaprubahan din ng IATF ang rekomendasyon na palakasin pa ang active case finding at healthcare system capacity.

Kaugnay nito, inatasan ang One Hospital Command Center ng DOH at iba pang respective agencies na magsagawa ng inventory sa health system capacity.

“The One Hospital Command Center of the Department of Health and such other respective agencies are directed to conduct inventory of the health system capacity to ensure adequate resources are available in instances that spikes of cases will occur,” ani Nograles.

Samantala, iniulat ng One Hospital Command Center (OHCC) na nitong nakaraan lamang na linggo, ay pumapalo ng lagpas 200 mga tawag o rekwes ang kanilang natatanggap kada araw.

Saysay ni Dr. Marylaine Padlan, medical officer ng OHCC, mayorya sa kanilang nakukuhang tawag ay galing sa National Capital Region na halong COVID-19 at non-COVID related requests.

Inilahad pa ni Dr. Padlan na batay sa kanilang datos at DOH data, karamihan pa rin ng mga natatanggap nilang hospital requests o hospital requiring sa mga ay mula sa unvaccinated.

Bilang paghahanda naman sa posibleng banta ng Omicron variant sa bansa, patuloy ang pagsasagawa ng OHHC ng pagsasanay sa kanilang mga personnel, patuloy din nag pagsusuri, pagpapalakas at pagpapahusay ng sistema sa One Hospital Command Center.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *