Booster roll-out sa A2 at A3 priority groups, aarangkada sa San Juan City

Booster roll-out sa A2 at A3 priority groups, aarangkada sa San Juan City

HIGIT 800 matatanda at 200 may comorbidity ang nakatakdang tumanggap ng booster doses sa San Juan City ngayong araw.

Ito’y matapos umarangkada ang pagbabakuna ng booster shots sa mga senior citizen at third dose sa mga immune-compromised sa National Capital Region (NCR).

Nakaraang linggo ay sinimulan na ang pagtuturok ng booster shots sa mga healthcare workers sa San Juan City at ngayong araw naman uumpisahan na rin ang booster vaccination para sa mga senior citizen at sa may mga sakit.

Naglaan ng isang libong doses ng bakuna ang LGU para sa walong daang matatanda at dalawang daang may comorditity.

Ayon kay Mayor Francis Zamora, binibilisan nila ang kanilang vaccine roll-out upang makabalik na sa normal lalo’t papalapit na ang kapaskuhan.

“We are fast tracking our vaccine roll out to our citizens so we can all go back to a better normal especially as Christmas approaches,” pahayag ni Zamora.

Dagdag ni Zamora na nais din nilang mabigyan ng proteksyon ang kanilang mga residente kasabay ng pagbubukas ng mga establisyemento at pagluluwag ng mga restriksyon.

“We want them to feel protected especially since we have also started opening up more establishments and easing up quarantine restrictions and people are going out more,” ayon kay Zamora.

Maaaring magpa-register online ang mga residente na nais magpaturok ng booster shot o third dose ng COVID vaccine.

Hintayin lamang ang confirmed schedule sa pamamagitan ng text message.

Batay sa guidelines ng Department of Health (DOH), ang mga immune-compromised individuals na papayagan ay ang mga mahihina ang resistensiya, mayroong HIV, cancer patients, transplant patients, at mga pasyenteng sumasailalim sa gamutan at humihina ang immune system.

Maaring gamitin bilang homologous booster o dagdag na dose ng kaparehong brand ng primary series ang Pfizer, Moderna, Sinovac at AstraZeneca habang pinapayagang gamitin bilang heterologous booster o dagdag na dose sa ibang brand ng primary series ang Pfizer, Moderna at AstraZeneca.

Dapat six months ang interval bago ang boosters para sa Sinovac, AstraZeneca, Pfizer, Moderna at Gamaleya Sputnik habang 3 months naman sa Janssen vaccine.

Una nang sinabi ni Vaccine Czar Sec. Carlito Galvez Jr. na ang bansa ay may sapat na suplay ng mga bakunang COVID-19 upang masakop ang mga booster shot para sa mga kabilang sa dalawang priority groups.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *