Biyahe ng mga tren, mananatili sa 70% capacity ngayong nasa Alert Level 3 ang NCR

Biyahe ng mga tren, mananatili sa 70% capacity ngayong nasa Alert Level 3 ang NCR

MAS mahigpit na ipinatutupad ang mga health protocols sa mga train lines sa gitna ng implementasyon ng Alert Level 3 sa National Capital Region (NCR).

Walang mga pagbabago sa passenger capacity ng mga tren ngayong nasa Alert Level 3 na ang NCR.

Ayon sa Department of Transportation (DOTr) Sec. Arthur Tugade, mananatiling 70% capacity pa rin ang biyahe mg mga tren pero mas maghihigpit lamang sila sa pagpapatupad ng health protocols upang maiwasan ang hawaan ng COVID-19.

“As recommended by our railways sector, all rail lines will maintain the present 70% passenger capacity under the Alert Level 3 status, provided that strict health measures to prevent the spread of COVID-19 will be enforced. This is to avoid the ‘bottlenecking’ or crowding of passengers at stations, which may increase the risk of virus transmission,” pahayag ni Tugade.

Kasunod nito, sinabi rin ni Sec. Tugade na ang Inter-Agency Task Force na ang magdedesisyon kung magkakaroon ng pagbabago sa passenger capacity ng mga tren.

Health protocols, mas istriktong ipinatutupad sa MRT-3

Sa MRT-3 stations, istriktong ipinatutupad sa buong linya ang mga health and safety protocols laban sa sakit na COVID-19 sa gitna ng implementasyon ng Alert Level 3 sa Metro Manila.

Ipinatutupad ang “No Facemask, No Entry” sa lahat ng nasasakupang lugar ng MRT-3.

Samantala, ipinagbabawal ang pagkain, pag-inom, pagsasalita, at pakikipag-usap sa telepono sa loob ng mga tren.

Sa mga istasyon ng tren, may mga platform marshal na nagtitiyak na nasusunod ng mga pasaherong nag-aabang ng tren ang nasabing mga health protocols.

Sa kasalukuyan, nasa 70% ang kapasidad ng mga tren ng MRT-3, na may katumbas na 276 na pasahero kada train car, o 827 na pasahero kada train set.

Random antigen testing sa pasahero ng tren, isasagawa

Samantala, bahagi rin ng pagpapatupad ng DOTr ng mas istriktong protocols ay ang pagpapatupad  ng random antigen testing sa mga papayag at magbo-volunteer na pasahero.

Ayon kay DOTr Undersecretary for Railways TJ Batan na ang random antigen testing ay makatutulong sa ahensya upang ma-detect ang posibilidad ng COVID-19 sa loob ng mga train stations.

“The random antigen testing of consenting and volunteering passengers is intended to guide us in the adoption of any further needed measures. Passengers who volunteer to be tested will be permitted to proceed with their trip after testing, and will be informed of their test results by text message,” ani Batan.

Samantala, inatasan naman ng DOTr ang lahat ng personnel ng train lines na sumailalim sa antigen testing, alinsunod sa umiiral na protocol ng Department of Health (DOH).

May awtoridad ang mga marshal na magpababa o huwag magpasakay ng pasaherong susuway sa anumang protocol na ipinatutupad ng MRT-3.

SMNI NEWS